Gadon kinuwestiyon ang paggamit ng pondo GORDON SIPAIN SA RED CROSS

DAPAT palitan na si Senator Richard J. Gordon bilang presidente ng Philippine National Red Cross (PNRC).

Panawagan ito ni Atty. Larry Gadon kasunod ng hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim din sa audit ang PNRC.

Ayon kay Gadon, napakatagal nang hinawakan ni Gordon ang nasabing posisyon at ngayon ay nababahiran na ng duda ang paggamit sa pondo ng ahensya dahil na rin sa mga pagpuna rito ng pangulo.

Pahayag ng kilalang abogado, dapat alisin na sa pwesto ang anim na presidential appointees sa Board ng PNRC at muling maghalal ang mga ito ng bagong presidente.

Maaari aniyang i revoke o i-recall ang mga presidential appointees dahil hindi nila tinupad ang kanilang tungkulin na magsumite ng annual report sa presidente ng Pilipinas na kumakatawan bilang Honorary Chairman.

Isa sa mga maaaring dahilan sa pagpapawalang bisa sa kanilang appointment ang kawalan ng tiwala dahil sa kabiguan nilang sundin ang itinatakda sa kanilang mandato.

Bukod dito, hindi aniya Constitutional body ang PNRC kung saan mahigpit ang proseso ng pagtanggal at pagpalit ng political appointees.

Nauna nang hiniling ni Pangulong Duterte sa Commission on Audit (COA) na i-audit ang PNRC upang matukoy aniya kung “guilty” sa malversation of funds si Gordon.

Inakusahan ng pangulo si Gordon na ginamit na “milking cow” ang organisasyon at ginamit umano ang pondo ng Red Cross para sa pangangampanya.

“I dare say na ginamit mo talaga ito para sa elections. Ito yung milking cow mo e. You have been there for quite a time. Is it not fair to say na bumitaw ka na to give others a chance para mahinto mo na ‘yung ginagawa mong kalokohan,” ayon sa pangulo sa kanyang Talk to the People noong nakaraang Huwebes ng gabi.

Mayroong post sa COA website na isa sa responsibilidad ng komisyon ang “Examine, audit and settle all accounts pertaining to the revenue and receipts of, and expenditures or uses of funds and property owned or held in trust by, or pertaining to, the government.”

Kaya dapat lamang na makita aniya ang record ni Gordon bilang public official para madetermina kung “guilty” ito sa malversation of funds.

“I’m sure we will find something and we believe that you are also guilty of well sabihin mo ng malversation, well tell us. We will be happy to know kung mayroon o wala. Salamat Mr. Gordon,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, para sa pangulo, isa sa pinakamalaking kasalanan ni Gordon ang pagpapatigil nito sa coronavirus testing matapos magkaroon ng milyong pisong pagkakautang ang Philippine Health Insurance Corporation sa PRC.

Matatandaang noong isang taon, itinigil ng Red Cross ang pagtulong sa pamahalaan sa coronavirus testing dahil sa utang ng PhilHealth dito.

Naipagpatuloy lamang ito nang magbigay ng partial payment ang PhilHealth sa Red Cross.

“Ang pinakamabaho ang nakita ko is, you (Gordon) threatened to stop testing… You stopped testing people so that they will die? Just because you are not paid and the money you have accumulated all these years would run into billions,” lahad ng Chief Executive.

Kaya hiniling ng Punong Ehekutibo sa COA na magsagawa ng auditing sa Red Cross kahit ito’y isang non-government organization.

“Gusto ko talaga makita ang audit talaga ng Red Cross. And maybe I can, I will demand… the executive department will demand that we will furnish copies of your audit taken by COA and COA to give us the copy so that we can review also what you have audited at tignan namin kung tama o hindi,” aniya pa rin. (SAKSI NEWS TEAM)

125

Related posts

Leave a Comment