WALANG PERMANENTENG KAKAMPI ANG PULITIKANG PINOY

“ONLI in da Pilipins,” ika nga ng mga tagasubaybay ng PUNA dahil wala raw permanenteng kakampi ang Pulitikang Pinoy.

Sa Pulitikang Pinoy mag­kakampi ngayon, bukas hindi na. Tulad na lang halimbawa ang San Juan City sa matagal na panahon ay magkakampi ang mga Zamora at mga Estrada partikular ang mga matandang sina Cong. Ronnie Zamora at dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.

Nung pinakahuling eleksyon, nagkahiwalay ang puti at ang de-kolor (Estrada at Zamora).

Nabalewala ang kanilang matagal na samahan sa pulitika, naglaban ang anak ni Cong. Ronnie Zamora na si Francis Za­mora at si Janela Estrada anak ni dating Sen. Jinggoy Estrada na apo ni dating Pangulong Erap sa pagka-alkalde ng San Juan City.

Natalo ni Francis si Janela kaya nakaupo nga­yong Mayor ng San Juan City ang anak ni Cong. Ronnie.

Naputol din ang matagal nang samahan nina ­dating Pangulong Erap at Isko Moreno ng Maynila. Kaya naging magkalaban ang ­dalawa nung nakaraang halalan na tinalo ni Isko si Erap.

Si Isko Moreno ang incumbent Mayor ng Maynila, at mukhang wala nang puwang para muli silang magsama ng mga Estrada sa pulitika.

Dumako naman po tayo sa lalawigan ng Bulacan, mukhang nagkahiwalay na rin sina Governor Daniel Fernando at Vice Governor Willy Sy Alvarado. Dating magkakampi sina Fernando at Alvarado noong pinakahuling eleksyon na ang una ay tumakbo sa pagka-gobernador at vice governor naman ang huli. Dati na ring vice governor ni Alvarado si Fernando.

Sa nakarating na info sa PUNA, tatakbo raw itong si Alvarado na governor at kakalabanin niya ang kanyang dating kakampi na si Fernando.

Magiging vice governor daw ni Alvarado si Joselito “JunJun” Mendoza na kongresista at dating governor din ng Bulacan.

May lumulutang naman na isyu na magiging ka-tandem ni Fernando sa vice governor itong isang artista na si Alex Castro at incumbent bokal ng Bulacan.

Mukhang magiging ­matindi ang labanan sa Bulacan dahil nagsanib pwersa ang mga Mendoza at Alvarado na dating magkalaban, laban naman sa kampo ni incumbent Governor Daniel Fernando sa 2022 presidential at local elections.

Ang magiging labanan sa Bulacan ay mga artista vs mga negosyante. Minamaliit daw ng kampo ni Alvarado ang grupo ni Fernando?

May pera daw kasi ang mga Alvarado at mga Mendoza kung ikukumpara kina Fernando at Castro. Ganun?

Sa pananaw ng PUNA, malaking puntos ngayon sa mga magkakatunggaling grupo kung paano nila tinugunan ang mga pangangailangan ng mga residente ng Bulacan nitong pananalasa ng COVID-19.

Ngayon kasi mapatutunayan ng mamamayan ng Bulacan kung gaano sila kamahal ng kanilang mga iniluklok na mga politiko.

Ngayon din kasi nila nakita kung natupad ba nila ang kanilang mga ipinangako nung sila ay kumakandidato pa lang.

Sinikap ng PUNA na makuha ang panig ng binanggit na mga personalidad sa kolum na ito, subalit nabigo po tayong makakuha ng kanilang mga contact.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email sa joel2amongo@yahoo.com at mag-text sa cel# 0919-259-59-07.

201

Related posts

Leave a Comment