KUNG kayang gaguhin ng China Communist Party ang kanilang sariling mamamayan, mas isipin niyo na lang kung papaano nila gagaguhin ang mga bansa na mayroon silang matinding interest tulad ng Pilipinas.
Sa mga twitter post na palagay ko ay mga smuggled video dahil kilala ang China sa pagkontrol sa mainstream media at maging sa social media, nakikita kung gaano kalupit ang bansang ito sa kanilang sariling mamamayan.
Walang social distancing sa vaccination centers na nag-uunahan ang mga tao sa pagpapabakuna dahil kung hindi ay pagkakaitan sila ng serbisyo publiko at basta na lamang ilalagay sa quarantine facilities kahit hindi sigurado na mayroon silang COVID-19.
Ang tanging nakikita ng mundo na inire-report sa mainstream media at trolls ng Beijing ay ang maayos na vaccination centers sa malalaking lugar pero sa mga probinsya na daan-daang milyon ang tao at nagkakapalitan na ng mukha sa vaccination centers, ay itinatago.
Maging ang walang kaayos-ayos na quarantine facilities sa mga probinsya ng China ay hindi inilalabas sa media at ang hindi makataong pagtrato sa mga tao sa quarantine facilities ay hindi inire-report.
Nagpadala pa sila ng mga eksperto raw sa COVID-19 sa Pilipinas noong kasagsagan ng pandemya noong nakaraang taon para daw tulungan tayo sa pagharap sa problema at naalala ko, ang daming puna at rekomendasyon ng Chinese health experts na dapat daw gawin ng Pilipinas.
Kabilang sa mga puna nila, wala tayong mga maayos na quarantine facilities pero sa kanilang bansa lalo na sa mga probinsya nila, may facilities nga, hindi naman maayos at mukhang preso ang mga tao.
May video na nagpapakita na nakakandado sa loob ng quarantine facilities ang mga tao. Parang kulungan ang facilities dahil ang folding bed na tulugan ay nasa tabi ng kubeta at may maliit na mesa na kainan at walang medical supplies.
Ang supply, tulad ng tubig ay ihinahagis lang kaya binibingwit ng mga tao sa loob ng quarantine facilities ang bottled water para makuha dahil nakakandado sa labas ang kanilang munting kulungan.
Pero ang matindi sa lahat, inoobliga ang mga tao na magkaroon ng QR code na patunay na sila ay nabakunahan dahil kung wala sila nito, hindi pasasakayin sa bus, tren at hindi papapasukin sa mga gusali.
Ginagawa raw ito ng China sa kanilang surveillance purposes dahil wala silang tiwala sa kanilang sariling mamamayan pero marami ang wala nito dahil takot silang magpabakuna dahil marami nang namatay matapos mabakunahan pero ayaw ipa-report ng Beijing dahil ayaw nilang masira.
Sabagay, kasiraan ito sa Komunistang China kung hahayaan nila ang media na i-report ang katotohanan kung papaano nila hinaharap ang problema sa COVID-19 na lumala dahil sa pagtatago nila sa katotohanan.
Ang gusto ng China, mga magaganda lang ang ire-report para ipakita nila marahil sa mundo na maayos ang kanilang pamamahala sa mahigit 1.4 billion katao sa kanilang bansa.
Gusto nilang ipinta sa isip ng buong mundo na wala silang problema at maayos ang kanilang pagpapatakbo sa gobyerno lalo na’t gusto nilang impluwensyahan ang buong mundo.
Hindi ba nakikipaligsahan ang China sa Amerika sa pagkontrol sa mga bansa sa mundo? Kung maraming problema sa kanilang bansa na hindi nila maayos, ano naman ang mukhang ipakikita nila para pasukan ang isang bansa na maraming problema kung sariling problema ay hindi nila maresolba? Isang uri ito ng panloloko ng China. Marami silang baho na itinatago sa mundo pero kung umasta napaka-perpekto nila sa pagharap sa problema sa COVID-19.
184
