INIREKOMENDA ng Senate Blue Ribbon Committee na isyuhan ng warrant of arrest si dating presidential economic adviser Michael Yang makaraang itong i-cite for contempt dahil sa patuloy na pang-iisnab sa imbestigasyon sa sinasabing overpriced COVID-19 equipment.
Inaprubahan ni Senate President Vicente Sotto III ang rekomendasyon at inaabangan na lamang ang dokumento para sa pagpapaaresto kay Yang.
Una nang nagpalabas ng dalawang subpoenas ang kumite para kay Yang upang humarap sa pagdinig at ipaliwanag ang sinasabing koneksyon sa Pharmally Pharmaceutical Corp., ang kumpanyang nakakuha ng bilyong pisong kontrata sa procurement ng PPEs.
Bukod kay Yang, iginiit ni Senador Francis Pangilinan na dapat ding ipaaresto ang ibang Pharmally officials na sina Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Linconn Ong, Krizle Grace Mago at Justine Garado na hindi rin dumalo sa pagdinig.
Sa impormasyon mula sa Bureau of Immigration, si Mohit Dargani ay umalis sa Pilipinas noong August 18 at nagtungo sa Dubai at wala pang report na nakabalik na ito sa bansa.
Ang pangulo naman ng kumpanya na si Huang Tzu Yen ay dumalo sa pagdinig virtually dahil ito ay nasa Singapore. (Dang Samson-Garcia)
215 