LIBU-LIBONG manggagawang Filipino ang nawalan ng trabaho at mga lokal na negosyo ang lubhang apektado sa pagpapasya ng gobyernong piliin ang isang dayuhang kumpanya para mag-supply ng personal protective equipment.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee tungkol sa audit findings ng Department of (DOH), pinunto ni Villanueva na mahalagang talakayin ang usapin ng kawalan ng trabaho na isa sa naging sanhi ng diumano’y maanomalyang pagbili ng PPE sets mula sa kumpanyang Pharmally Pharmaceutical Corp.
Inilarawan ni Villanueva ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) bilang “kontrabida” ng mga manggagawang Filipino at mga lokal na manufacturers na nabitin at naiwan sa ere sa kasagsagan ng pandemya.
“Ano po ang tama nito sa mga manggagawa?” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee, sa pagdinig noong Martes. “Narinig po natin na ang mga local manufacturers na kasama sa Confederation of Wearable Exporters of the Philippines ay kinailangang mag-retrench ng 25,400 na empleyado noong nakaraang taon.”
Sinabi ni Villanueva ang kanyang obserbasyon matapos banggitin ni Fernando Ferrer, chairman at CEO ng EMS na isang Filipino electronics assembly firm, na ang kumpanya niya kasama ang iba pa ay tumugon sa panawagan ng gobyerno na pihitin ang kanilang mga pagawaan upang makapag-produce ng PPEs. Ngunit tila nabalewala ang kanilang adjustment nang i-award ng PS-DBM ang mga kontratang nagkakahalaga ng P8.7 billion sa Pharmally.
Dagdag pa ni Villanueva, kung nasunod lamang ang malinaw na probisyon sa ilalim ng mga Bayanihan law na nagbibigay ng pagkiling sa procurement ng PPEs mula sa local manufacturers, maraming manggagawa ang hindi mawawalan ng trabaho at makatutugon sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, tumaas sa US$71.96 million, o tinatayang P3.60 billion, ang kabuuang halaga ng pag-angkat ng Pilipinas sa mga PPE at medical supplies noong June 2021.
Sa kanyang pagtugon sa tanong ni Villanueva, sinabi ni Ferrer na kumuha ang kanyang kumpanya ng 350 manggagawa noong kasagsagan ng paggawa ng mga PPE. Kung ipinagpatuloy lamang aniya ang pag-supply ng EMS sa face masks, nakalikha pa sana ang kanilang operasyon ng dagdag 200 manggagawa. (ESTONG REYES)
185 