Source code ayaw ipa-rebisa IT EXPERTS DUDA SA COMELEC

NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang isang grupo ng information technology experts sa integridad ng nalalapit na 2022 general elections dahil sa “non-disclosure agreement” na bahagi ng guidelines na ipinalabas ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng Local Source Code Review (LSCR).

Ayon kay Leo Querubin ng Philippine Computer Society Foundation, taliwas sa hangarin ng Comelec para sa isang maayos, tapat at mapayapang automated election system ang paglalagay ng non-disclosure agreement sa kanilang guidelines patungkol sa pinakamahalagang bahagi ng 2022 general elections.

Paglalarawan ni Querubin, mistulang food critics na bawal maglabas ng kanilang hatol sa natikmang lutuin ang papel nila sa automated election system lalo pa’t tila bawal silang maghayag – kundi man ayaw ipasilip ang detalyadong technical properties ng gagamiting source code.

Sa isang advisory na ipinalabas ng Comelec nito lamang nakaraang buwan, hinimok ng komisyon ang paglahok at pagsusumite ng mga stakeholders para sa online application mula Aug. 16 hanggang Sept. 10. Ani ng Comelec, maaaring kumuha ng online form sa kanilang website.

Sa ilalim ng LSCR, pinahihintulutan ng Comelec ang pagrerebisa ng source code na gagamitin para sa automated election. Dito rin makikita ang proseso at kakayahan ng mga gagamiting computers base sa source code na kalakip ng mga ito.

Kabilang sa pwedeng lumahok sa source code review ay ang mga rehistradong partido o alyansang kinikilala ng Comelec batay na din sa umiiral na Omnibus Election Code at Party List System.

Pasok din sa mga kwalipikadong magrebisa ng source code ang mga IT groups na rekomendado ng Comelec Advisory Council at Department of Information and Communications Technology (DICT).

“It is like inviting food critics but then having the option to bar certain groups or individuals. This option may be used to bar critics who may have the reputation of providing negative reviews,” patutsada pa ni Querubin sa Comelec na siyang nangangasiwa sa source code review.

Panawahan ng PCSF, tanggalin ang probisyon ng non-disclosure sa mga panuntunan kung hangad nito ang isang tapat at malinis na halalan.

Nakasaad sa ilalim ng RA 9639 o ang Election Automation Law – “Comelec shall promptly make the source code available and open to any interested party or group, which may conduct their own review”.

Kabilang sa mga aniya’y dapat rebisahin ay ang source code para sa Election Management System (EMS), Vote-Counting Machine (VCM), Consolidated Canvassing System (CCS), at iba pang automated system na ginawa ng itinalagang software provider ng Comelec – ang Smartmatic-TIM.

Hindi na bago ang Smartmatic sa halalan ng bansang Pilipinas. Bagamat nasangkot sa alingasngas kaugnay ng mga technical glitches na nagbigay daan sa pagmamanipula ng bilangan, nakuha pa din nito ang P402-milyong kontrata mula sa Comelec na siyang nangasiwa sa bidding.

Minsan na rin pinasaringan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing kumpanya mula sa bansang Venezuela dahil sa umano’y kabiguan nitong tiyakin ang integridad ng bilangan gamit ang kontrobersyal na PCOS machines.

Taong 2019 nang makitaan ng problema ang source code na gagamitin sana sa halalan noong taon ding iyon. Ayon sa mga eksperto, hindi mahirap manipulahin ang eleksyon kung ang source code ay idedesenyo para paboran ang ilan.

175

Related posts

Leave a Comment