TILA mahaba-haba pa ang daranasing pagdurusa ng mga Filipino sa dalawang dahilan – ang patuloy na banta ng pandemya at ang patuloy na paggamit sa pandemya para tumiba.
Sa pagtatala ng mga eksperto, magpapatuloy pa ang paghahasik ng perwisyong dala ng COVID-19. Paliwanag ng mga dalubhasa, ang COVID-19 ay isang virus na batay sa pag-aaral ay patuloy lang ang mutation (pagpapalit-wangis) hangga’t hindi napupuksa ng isang mabisang pangontra dito.
Katunayan, pumalo na sa 12 ang mutated strains na sumibol mula sa original na virus na mula sa Wuhan, China. Sa bawat mutation, mas mabagsik ang dalang perwisyo. Ang ibig sabihin nito’y mas delikado, mas mabilis makahawa at may kakayahang kumalat sa mas maraming tao.
Sa kabilang banda, mas nakatatakot ang nakaambang perwisyo ng mga mapagsamantalang tila pista sa pagdurusa ng iba.
Sila yaong mga tao sa likod ng sindikatong sumisipsip sa dugo ng bawat Filipino – mga kapitalistang kasabwat ng mga tiwali sa pamahalaan.
Ang kagandahan, mayroon tayong Commission on Audit (COA) na matapang na nag-uulat sa mga nagaganap na pangungupit ng mga
switik.
Kaya lang parang hindi sapat ang tapang ng COA. Ang tangi lang nilang kakayahan ay suriin ang paraan kung paano ginagamit ng mga taong gobyerno ang pondong mula sa buwis ng mga Filipino. At sa tuwing may bulilyaso, mandato ng COA na alalayan ang ano mang tanggapan ng gobyerno sa pagwawasto sa ilang aspeto.
Ni wala silang kakayahang magsampa ng kaso. Walang ngipin ang COA.
Sa kabila pa nito, tila nakakainitan pa sila ngayon. Bakit nga naman hindi, ang sindikato sa gobyerno, biglang nabuko. Kaya ang direktiba ng Pangulo, Hoy! COA manahimik muna kayo.
Hay naku, kawawang Filipino! Ang pandemya ginawa pang gatasang baka.
Kaya naman dapat nang ipanukala sa Kongreso ang pagpapalit ng pangalan ng salot. Mula sa taguring COVID-19, bakit hindi na lang tawaging COWVID-19?
Tutal, mistulang bakang ginagatasan din lang naman ng mga tiwali, mapagsamantala at ganid na kapitalista ang dusa ng mamamayang
Filipino.
At least, swak sa panlasang Filipino at angkop sa kaganapang totoo.
303 