LUMIHAM kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang halos dalawang daang mga piskal na may ranggong Pros. 1 at 2 sa buong bansa, upang hilingin sa kalihim na maipatupad ang isinasaad ng Section 16 ng Republic Act 10071 o ang Prosecution Services Act of 2010 alinsunod sa Section (606) paragraph (c) at (f) ng DOJ Circular #50 na may petsang June 25, 2010, na nagsasaad o nagtatakda ng antas, lebel, sahod, allowances, at iba pang pribilehiyo para sa mga piskal na may ranggo 2 at 1, ayon sa pagkakasunod.
Nakasaad sa siyam na pahinang kahilingan ng mga piskal na inihain noong July 26, 2021 na naka-address kay Sec. Guevarra, thru the office of Undersecretary Adrian Ferdinand Sugay at office of the Prosecutor General Benedicto Malcontento, na maipatupad ang isinasaad ng Sec. 16 ng RA 10071 o ang Prosecution Services Act of 2010, na sumusugay naman sa ipinalabas na kautusan ng SC En Banc na Administrative Memorandum No. 17-09-07 na inisyu noong June 26, 2018 na pumapabor sa pag-upgrade o pagtaas ng antas ng mga judge o hukom ng Hudikatura mula sa First Level Court, Municipal Trial Court (MTC), Municipal Circuit Trial Court ( MCTC), Municipal Trial Court in the Cities (MTCC), at Shari’a Circuit Courts mula Salary Grade (SG) 26 at 27 tungo sa SG 28.
At nang dahil sa naturang kautusan ng hudikatura ay nararapat lamang aniya maipatupad din ang isinasaad ng RA 10071, na nakasaad na ang Prosecutor one (1) na may mayroong kahalintulad na ranggo ng isang judge o hukom ng Metropolitan Trial Court in Municipalities, na tatanggapin rin nito ang kahalintulad na suweldo at mga pribilehiyo na ipinagkakaloob sa hukom o judge ng MTC.
At ang Prosecutor two (2) naman ay mayroon kahalintulad na ranggo ng isang judge o hukom ng Municipal Trial Courts in the Cities, na tatanggapin din nito ang kahalintulad na mga pribilehiyo na ipinagkakaloob sa hukom o judge ng MTCC.
Nag-ugat ang apela ng mga piskal sa DOJ, dahil na rin sa umano’y objection ng DOJ sa House Bill (HB) 4217 at Senate Bill (SB) 1028 na naglalayong maamyendahan ang RA 10071 o ang Prosecution Services Act of 2010 upang maisaayos at mapapondohan ang kailangang mga pagbabago sa RA 10071.
Giit ng mga piskal, hindi naman kalabisan ang kanilang hinihingi dahil sa ito naman ay naaayon lamang sa itinakda o itinatadhana ng batas kaugnay sa kanilang hanay.
Samantala, batay na rin sa HB at SB na tinutulan ng DOJ, nakasaad doon na dahil sa bagong kautusan ng Korte Suprema na nagtataas sa antas ng Salary Grade ng kanilang mga hukom mula First Level Courts at sa judges ng MTC, MCTC, MTCC, at ng Shari’a Circuit Courts na mula sa Salary Grade 26-27 tungo sa Salary Grade 28, ay kailangan na maamiyendahan din ang Sec. 15 at 16 ng RA 10071 o ang Prosecution Services Act of 2010 upang masugayan nito ang bagong kautusan na ipinalabas ng Hudikatura para sa prosekusyon.
Eh bakit nga ba ayaw ng DOJ na magkaroon ng pag-amiyenda sa RA 10071? Ano ba ang tunay na dahilan? MMMMMMM MAYROON AKONG NAAMOY! kung bakit tinutulan ng DOJ ang HB at SB o ang panukalang batas na magsasaayos ng Section 15 at 16 ng RA 10071?
Paalala lang sa mga taga-DOJ, mayroon tayong kasabihang ibigay kay Pedro ang nararapat kay Pedro at ang kay Juan kung ano ang nararapat kay Juan.
Sa mga kinauukulang opisyal ng Kagawaran ng Katarungan, baka naman puwedeng maipatupad na ‘yan alang-alang sa inyong mga piskal?!
Huwag na po sanang madagdagan pa ang mga nagwewelga sa lansangan, kasi lalo lamang nakakadismayang tingnan ngayong panahong mayroon tayong kinakaharap na krisis.
‘DI BA MGA KA-SAKSI?!
158 