Kasabwat ng mga napatay sa Zambales PAGTUGIS SA INTERNATIONAL DRUG SYNDICATE TULOY

TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na patuloy nilang tutugisin ang iba pang mga kasabwat ng apat na mga dayuhang drug traffickers na napatay sa Zambales anti-narcotics operation at naaresto ang tatlo pa sa hot pursuit operation sa Bataan, sa layuning wasakin ang kanilang clandestine operation sa Pilipinas.

Inatasan ni PNP chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang kinauukulang mga yunit ng pulisya na tulungan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagsasagawa ng intelligence-gathering laban sa iba pang kasamahan ni Xu Youha na kabilang sa mga napatay sa engkwentro sa Zambales.

Isa si Xu sa pinakamalaking shabu importers sa Pilipinas at miyembro ng transnational drug trafficking organization.

Noong Martes ng hapon, sa impormasyong ibinahagi ni PNP Region 3 Director Val De Leon, nasa 500 kilo ng shabu ang nakuha ng kanyang mga tauhan sa apat na napatay na Chinese national sa pangunguna ng PNP-PRO3 Zambales katuwang ang ilang tauhan ng PDEA, PNP PDEG, ISAFP, NICA, CIDG3, MARPSTA at BoC, na pinangasiwaan ni P/Col.  Roman V. Cardiño, Zambales PD, matapos ang halos isang buwang joint anti-illegal drugs surveillance operation.

Hanggang sa matiktikan nila ang gagawing pagdaong mula sa karagatan ng 500 kilos high grade methamphetamine hydrochloride o shabu na nasa 25 asul na sako.

Nang magkabilihan na ng droga gamit ang halagang P12 million buy-bust money, nakatunog si Eddie Tan, isa sa apat na napatay, kaya nauwi sa engkwentro ang buy-bust operation.

Nabatid na bukod sa apat na napatay ay may dalawa pang suspek na nagtangkang tumakas sakay ng speedboat ngunit nasabat ng PDEA at PDEG operatives sa Zambales high seas sa tulong ng Philippine Navy.

Sinabi ni PDEA Director General Wilkins Villanueva na ang dalawang operasyon sa Zambales at Bataan ay nasa ilalim ng Case Operational Plan “Whisperer” na supervised ni Asec. Gregorio Pimentel, PDEA Deputy Director General for Operations.

Dagdag pa ng PDEA chief, ang dalawang operasyon ay malaking dagok sa supply chain ng illegal drugs at sa mismong sindikato lalo na’t neutralized na ang isa sa malaking isda ng sindikato.

Ang nasabing mga ilegal na droga ay ini-smuggle sa bansa sa pamamagitan ng international waters gamit ang maliliit na mga barko at tina-transport sa coastal waters at saka ipi-pick-up ng kanilang local illegal drugs distributor.

Sa kasalukuyan, mayroong isinasagawang pursuit operation ang PNP at PDEA laban sa ilan pang mga sindikato.

Una nang ipinag-utos ng PNP chief ang deployment ng kanilang PNP helicopters at speedboats para tumulong sa ongoing pursuit operation laban sa mga sindikato ng ilegal na droga.

Sa ngayon, nagpapatrulya na ang fast crafts ng Maritime Group sa karagatan ng Central Luzon at nagsasagawa ng aerial patrol ang mga helicopter ng PNP. (JESSE KABEL)

149

Related posts

Leave a Comment