UMABOT na sa 580 kilo ang nasamsam na umano’y shabu sa Zambales matapos na tatlo pang Chinese national ang nadakip at nahulihan ng dagdag na 80 kilo ng ilegal na droga sa ikinasang follow-up at pursuit operations na umabot sa Bataan, kasunod ng P3.4 bilyong buy-bust operation sa Candelaria, Zambales.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, ang follow-up operation sa Barangay Tipo, Hermosa, Bataan ay isinagawa ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), PNP Drug Enforcement group (PNP-DEG), kasama ang NICA, ISAFP, AFP Task Force Noah; Philippine Navy at Bureau of Customs laban sa mga kasamahan ng unang apat na napatay na Chinese drug suspects sa Candelaria, Zambales.
Sa ibinahaging ulat ni PDEA Public Information Office chief, Director Derrick Carreon, kinilala ang mga arestado na sina Qing Chang Zhou, 37, alyas “Ricky Chou”; Cai Cai Bin, 49, alyas “James/Joseph Chua”; at Longcai Chang, 45, pawang tubong Fujian, China at mga residente ng Binondo, Manila.
Inabutan ang mga suspek na lulan ng kani-kanilang sasakyan sa Barangay Tipo-tipo sa Hermosa, Bataan.
Inihayag naman ni PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar, natunugan nila na papaalis sa lugar ng operasyon sa Zambales ang mga suspek kung saan napatay sa engkwentro ang kanilang mga kasamahan na sina Gao Manzhu, 49; Hong Jianshe, 58; Eddie Tan, 60; pawang mula sa Fujian, China; at Xu Youha, 50, ng Quezon City.
Si Xu, alyas “Taba” ang umano’y main contact ng international drug syndicate at isa sa biggest importer ng illegal drugs sa bansa at miyembro ng transnational drug trafficking organization.
Sa kabuuan, nasa 580 kilo na ng shabu na nagkakahalaga ng halos P4 bilyon, ang narekober ng PNP at PDEA sa dalawang magkasunod na
operasyon. (JESSE KABEL)
253 