ESTUDYANTE PINALO NG BOTE SA ULO

SUMIRIT ang dugo sa ulo ng isang 17-anyos na estudyante matapos hatawin ng bote ng isa sa apat na lalaking puwersahang tumangay sa sinasakyan nitong bisikleta nitong Sabado ng madaling araw sa Malabon City.

Ayon sa ulat, sakay ng kanyang bisikleta ang biktimang si Johny Boby Trinidad, ng Magsaysay St., Brgy. San Agustin, habang angkas ang kaibigang si Kurt Axi Mabini, nang harangin sila ng apat na lalaki dakong ala-1:30 ng madaling araw sa kahabaan ng P. Borromeo St., Brgy. Longos.

Nabatid sa pahayag ni Mabini kay P/Lt. Col. Rhoderick Juan, deputy chief of police ng Malabon City, nagsalita ang isa sa mga suspek ng katagang, “Talagang matitigas talaga kayo ah” saka hinataw ng bote sa ulo ang biktima na ikinalugmok nito.

Pagkaraan ay tumakas ang mga suspek tangay ang Japanese bike ng biktima habang tinulungan naman ng kanyang kaibigan ang binatilyo na maisugod sa pagamutan.

Nagkataon namang dumaraan sa lugar sakay ng mobile patrol ng pulisya ang mga tauhan ng Follow-Up Unit kaya’t kaagad nilang tinulungang maisugod sa Ospital ng Malabon si Trinidad ngunit inabisuhan silang ilipat ang biktima sa Tondo Medical Center upang masuring mabuti ang sugat sa ulo.

Iniutos na ni Malabon Police chief, P/Col. Albert Barot ang pagtugis sa mga suspek na ayon sa mga residente ng P. Borromeo St. ay posibleng mga drug addict ng Barangay Longos. (FRANCIS SORIANO)

 

345

Related posts

Leave a Comment