MAG-ASAWA TIKLO SA P480K SHABU

SWAK sa kulungan ang isang mag-asawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang makumpiskahan ng mahigit P.4 milyon halaga ng umano’y shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City nitong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan Police chief, Col. Samuel Mina Jr., ang arestadong mga suspek na sina Leo Gonzales alyas “Netoy,” 50, at Adela Gonzales alyas “Dina,” 42, kapwa ng Mangga St., Brgy. 178 ng lungsod.

Ayon kay Col. Mina, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant hinggil sa umano’y illegal drug activity ng mga suspek kaya’t isinailalim ang mga ito sa isang linggong surveillance operation and validation.

Nang makumpirma ang ulat, isinagawa ng mga operatiba ng SDEU, sa pangunguna ni P/Maj. Deo Cabildo, kasama ang mga tauhan ng 5th at 6th MFC RMFB-NCRPO, ang buy-bust operation sa bahay ng mga suspek dakong alas-12:30 ng madaling araw.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P7,500 halaga ng umano’y shabu ang isang pulis na nagawang makipagtransaksyon sa kanila matapos magpanggap na buyer ng droga.

Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 60 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P408,000, at buy-bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (FRANCIS SORIANO)

178

Related posts

Leave a Comment