HINDI naging hadlang ang malalaking alon sa paglalayag sakay ng bangkang-motor ang staff ng Bulacan Provincial Government sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), upang dalhan ng relief goods ang mga residente sa bahagi ng coastal area ng lalawigan partikular na sa Isla Pamarawan sa Lungsod ng Malolos noong Biyernes.
Sakay ng tatlong bangkang de-motor, personal na inihatid ni Governor Daniel Fernando at ang relief goods para sa 1,200 pamilya na nakatira sa Isla Pamarawan kung saan ay kailangan salubungin ang malalaking alon sa karagatan para madala ang mga ayuda.
Kasama rin sa isinagawang relief distribution si Malolos City Mayor Bebong Gatchalian, Bokal Alex Castro at PSWDO head Rowena Tiongson na buong araw na naghatid ng ayuda sa iba pang mga barangay sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Fernando, umabot sa 9,187 pamilya ang nabiyayaan ng naturang relief goods kabilang ang 1,200 pamilya sa Isla Pamarawan; 1,620 pamilya sa Barangay Bagna; 2,150 pamilya sa Barangay Sto. Rosario; 800 pamilya sa San Vicente; 527 pamilya sa Brgy. Santiago, 994 pamilya sa Brgy. Anilao, at 1,888 pamilya sa Barangay Sto. Niño sa bayan ng Hagonoy.
Paliwanag ni Tiongson, ang nasabing pamamahagi ng ayuda ay bahagi ng relief aid na kaloob ng pamahalaang panlalawigan para sa mga nasalanta ng nagdaang Bagyong Fabian. (ELOISA SILVERIO)
205 