KUNG nangyari sa mga unang taon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikipagbangayan niya sa Senado, malamang ay nagkaroon ng pag-asa ang Charter Change (Cha-Cha).
Isa sa mga ipinangako ni Digong noong 2016 na gagawin niya kapag nahalal siya bilang pangulo ng bansa ay aamyendahan ang 1987 Constitution bagay na hindi nangyari at wala nang pag-asang mangyari ito sa kanyang natitirang mga buwan sa kapangyarihan.
Walang problema sa Kamara pagdating sa pag-amyenda sa Saligang Batas pero malaking hadlang ang mga senador sa pagbabago nito dahil ayaw nilang ang mga mambabatas ang mag-amyenda sa bibliya ng Pilipinas.
Kabilang sa mga nais gawin sana sa pagbabago ng Saligang Batas ay gawing unicameral ang sistema ng legislasyon sa ating bansa o isang Kongreso na lang hindi tulad ngayon na bicameral o may mababa at mataas na kapulungan.
Mas mapabibilis daw kasi ang paggawa ng batas kapag isa lang ang Kongreso kumpara ngayon na kahit maipasa ang isang panukala sa Kamara kung ayaw o hindi naman magpapasa ng kanilang bersyon ang Senado ay walang mangyayari.
Maraming panukalang batas na ang naipasa ng Kamara na hindi inaaksyunan ng Senado tulad ng Absolute Divorce bill na ilang beses nang ipinasa ng mga Kongresista pero ayaw ng mga senador kaya walang nangyayari.
Isa lang ‘yan sa mga dahilan kung bakit maraming pulitiko ang gustong maging unicameral ang sistema ng lehislasyon sa ating bansa pero dahil pinoprotektahan ng mga senador ang kanilang institusyon (na dapat lang talaga) ay hindi nakaka-second base ang Cha-Cha.
Kahit gusto ni Digong na sumayaw ng Cha Cha, hangga’t ayaw ng “24 members republic” walang sayawang mangyayari kahit ilang beses pang ipasa ng kanyang mga kaalyado sa Kamara ang Cha-Cha.
Isinuko na ni Digong ang Cha-Cha dahil hindi na ito pinag-uusapan at imposibleng mangyari pa ito sa natitirang 9 buwan niya sa kapangyarihan, kahit ‘yung economic Cha-Cha.
Pero sabi ko nga, kung nagkataon na nangyari ang pakikipagbangayan niya sa Senado dahil sa imbestigasyon sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na tunay na nakinabang daw sa Bayanihan 1 law, baka nangyari ang hindi nangyari. Baka wala na tayong Senado at hindi na tayo boboto ng senador sa mga susunod na halalan. Mabuti na lang.
Sa ganang akin, hindi ito dapat mangyari. Kailangan na kailangan pa rin ang bicameral na sistema sa paggawa ng batas para magkaroon ng check and balance sa isa sa sangay ng gobyerno na ito.
Pasensya na pero tingin ko mas madaling naiimpluwensyahan ng Executive department ang Mababang Kapulungan ng Kongreso at kung sila ang matitira, malamang wala nang check and balance.
Tulad na lamang ng hiwalay na imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa pagbili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ng mahal na face mask at face shield na imbes na kalkalin kung talagang may anomalya, ay mistulang naging venue pa ng mga iniimbestigahan ang komite para maghugas kamay.
Puring-puri tuloy sila ng Pangulo dahil mas makatuwiran daw ang mga congressman kaysa mga senador pero ang basa ng netizen sa nangyari, naging mouthpiece pa ng mga inaakusahan ang komite at kinampihan nila ang pangulo kahit nagsisimula pa lamang silang nag-iimbestiga.
‘Yan… ‘yan, ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi dapat mawala ang Senado dahil kung maging unicameral ang sistema ng gobyerno, ang ganitong anomalya ay hindi na makakalkal. Gets n’yo?
386
