BATAS PARA SA MANDATORY VACCINATION LABAN SA COVID-19, ISINULONG SA KAMARA

NAGHAIN ng panukalang batas si San Jose Del Monte City, Bulacan Rep. Florida P. Robes upang gawing mandatory ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga karapat-dapat tumanggap nito.
Magiging mandato ng House Bill No. 10249 na kilala bilang An Act Providing for Mandatory COVID-19 Vaccine for All Filipino Citizens Eligible to Receive the Vaccine and Appropriating Funds ang sapilitang pagkakaloob ng COVID-19 vaccine sa lahat ng mga Filipino at mga naninirahan sa Pilipinas na may karapatang tumanggap ng bakuna.

Nakasaad din sa panukala na lahat ng gastusin para sa COVID-19 vaccine ay tatanggap ng buong suporta mula sa pamahalaan habang papayagan din ang mga pribadong kumpanya na bumili ng bakuna basta’t ipamamahagi ito nang libre sa kanilang mga kawani.

Sinabi ni Robes na paulit-ulit ang deklarasyon ng World Health Organization (WHO) na ang bakuna ang isa sa pinaka-epektibong paraan upang maproteksiyunan ang mamamayan laban sa COVID-19 at iminungkahi rin nito na hindi na pangkaraniwan sa gobyerno at institusyon na magpatupad ng sapilitang pagbabakuna na maituturing namang makatwiran upang maprotektahan ang kalusugan at kalagayan ng publiko.

Ipinunto pa ng mambabatas na ang Pilipinas ay nagpatupad na rin naman ng programang pagbabakuna nang sapilitan sa mga sanggol at mga bata. “We have Republic Act 10152 which is an act providing for the mandatory basic immunization services for infants and children and Republic Act 7846 which requires compulsory immunization against Hepatitis-B for infants and children below eight years old. In the face of worldwide pandemic that is ravaging our country, it is crucial to implement a mandatory COVID-19 vaccination program for people who are eligible to get the vaccines in order to protect ourselves and our families but enable us to regain our economic foothold and resume our lives,” sabi pa ni Robes.

Gayunman, sa ilalim ng panukala ni Robes, hindi kabilang ang sapilitang pagbabakuna sa sinomang tao na naniniwalang taliwas ito sa kanilang relihiyon o makakasama sa kalagayang pangkalusugan ng sinomang nagtataglay ng karamdaman na sertipikado ng lisensyadong doktor.

May nakapaloob ding probisyon sa panukala na magbabawal sa diskriminasyon laban sa mga tumututol magpabakuna bunga ng pinaniniwalaang relihiyon o dahil sa hindi maayos na kalusugan at maging sa banta ng pagkasibak sa trabaho o pagpapatala sa pagpasok sa paaralan.

Ang lahat naman ng nakatanggap na ng kumpletong bakuna ay pagkakalooban ng Vaccine Pass bilang patunay na sila ay fully vaccinated na at ito ang kanilang gagamitin sa pagtungo sa mga lugar na dinarayo ng mga turista, hotel, pagtitipon-tipon at mga lugar na puwedeng paglibangan.

Ang mga tatanggi namang magpabakuna nang wala namang matibay na dahilan ay papatawan ng parusang pagkabilanggo ng hanggang 30-araw o multang aabot sa P10,000.00.

496

Related posts

Leave a Comment