SA halip na gamitin pantugon sa lumalalang pandemya, naubos lang sa kabi-kabilang infrastructure projects ang tinatayang P10.3 bilyong government savings, bagay na ikinagalit ng mga militanteng kongresista dahil hindi naman anila ito dumaan man lang sa Kamara.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, maituturing na iligal ang nasabing paglustay ng pondong sukdulan pang inihalintulad sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) noong nakaraang administrasyon.
“The P10.3 billion unused funds that was transferred to the Department of Public Works and Highways (DPWH) and used for non-Covid related and non-essential new projects is akin to the unconstitutional Disbursement Acceleration Program (DAP) and therefore illegal,” ani Zarate sa deliberasyon kaugnay ng panukalang P5.024-trilyong national budget para sa susunod na taon.
Ang DAP ay unang ipinatupad noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kung saan ginamit ang may P72B sa savings ng gobyerno sa mga proyekto na hindi kasama sa mga inaprubahan ng Kongreso at idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
Ito rin ani Zarate ang mismong dahilan kung bakit kinasuhan sa Office of the Ombudsman si Aquino kasama si dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio Abad ng “Usurpation of Legislative Powers”.
Hindi umano inaasahan ng mambabatas na uulitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawa ni Aquino nang gamitin ang P10.3B savings sa mga bagay na walang kinalaman sa COVID-19.
“It now appears that the executive tried to do some budget contortions or even legal engineering to justify this use of the funds supposedly coming from the Contingent Fund,” ayon sa mambabatas.
Gayunpaman, malinaw aniya sa Saligang Batas na ang tanging gagastusan ng gobyerno ay mga proyektong nakasaad sa General Appropriations Act (GAA) kaya part 2 umano ng DAP controversy ang ginawa ng Pangulo.
“Malayo sa mga ito ang pinag-gamitan ng P10.3 bilyon. Tulad ng cruise yacht port, swimming pools, at maging bat cave. Pordyosporsanto, mas mahalaga pa ba si Batman sa mga kababayan nating nagugutom at nagkakasakit dahil sa Covid? Ang lalo pang masama ay binaluktot nila ang batas para magamit ang perang ito para sa kung anu-ano lang,” dugtong pa ni Zarate. (BERNARD TAGUINOD)
191
