IMBES na mga bilyonaryong tulad nina Manny Villar, Enrique Razon, Lucio Tan at pamilya Sy ang patawan ng mas mataas na buwis, pinupuntirya sa mababang kapulungan ang mga golf course at exclusive subdivisions bilang alternatibong paghuhugutan ng pondo.
Katwiran ni House ways and means committee chairman Joey Salceda, mas mainam patawan ng karagdagang singil sa buwis ang mga aniya’y pangunahing dahilan ng trapiko sa Metro Manila.
Sa ilalim ng House Bill 10253 o “Super-Rich Tax Act of 2021” ng Makabayan bloc sa Kamara, ipinapanukala ang karagdagang buwis para sa mga bilyonaryo sa bansa – bagay na pinalagan ni Salceda kasabay ng giit na ipasa na lamang ang dagdag buwis sa mga perwisyong golf courses at exclusive subdivisions sa Metro Manila.
Partikular na tinukoy ng mga militanteng mambabatas ang anila’y mga bilyonaryong pasok sa talaan ng Forbes Magazine. Paliwanag pa sa ilalim ng panukala, sa kanila pa lamang ay makakalikom na ng hindi bababa sa P236.7 billion karagdagang buwis ang gobyerno.
“The best way to tax wealth is to tax the inefficient and dysfunctional use of land in this country. The easiest and fairest way to do that is to tax low-density use of land in very high-density areas. That is the case for golf courses and exclusive subdivisions in Metro Manila, especially those for the super-rich,” ayon sa mambabatas.
Sa Pilipinas lamang umano nakakita na mayroong golf-course sa Metropolis at bukod sa nagiging sanhi ang mga ito ng trapiko ay napagkakaitan ang mga lupang mas karapat-dapat gamitin sa socialized housing ng mga maralitang taga-lungsod.
Wala rin aniyang pakinabang ang mga working class sa mga golf courses subalit apektado ang mga ito sa trapik na dulot ng mga ito kasama na ang mga exclusive subdivisions. (BERNARD TAGUINOD)
265 