NAGBANTA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sasampahan niya ng malversation charges si Senador Richard Gordon dahil sa diumano’y “misused funds” habang siya ang chairman ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Sinabi ng pangulo sa kanyang Talk to the People (Miyerkoles), na hindi pa naibabalik ni Gordon ang P140 milyon na nauna nang nasilip ng Commission on Audit (COA) noong si Gordon ay SBMA chairman.
Inakusahan din ng pangulo si Gordon ng pagbubulsa ng P86 milyon ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
“So I would like to inquire from the Ombudsman if there is a case filed against you because lahat na-disallow and the money was not returned. The money was not used in the right way, it deduces into something na personal liability mo,” ayon sa pangulo.
“Kindly settle, or not, I will personally see to it that a case would be filed against you,” dagdag na pahayag nito.
Si Gordon ay nagsilbing chairman ng SBMA mula 1992 hanggang 1998.
Samantala, hinikayat ng pangulo si Gordon na isuko ang isa sa kanyang posisyon dahil ilegal aniya na isa siyang senador at tumatayong chairman ng PRC.
Kasabay rin nito, kinastigo ng pangulo si Gordon matapos siyang tawaging “cheap politician” sa gitna ng patuloy na pagdepensa ng Chief Executive sa emergency purchases na may kinalaman sa COVID-19 pandemic.
Hindi duwag!
Minaliit naman ni Senador Richard Gordon ang pananakot at banta ni Pangulong Duterte na bababuyin siya hanggang mamatay bagkus sinopla niya ang huli sa pagsasabing hindi ito naduduwag sa anomang banta.
Sa panayam nitong Huwebes, inamin ni Gordon na natatakot siya sa banta ni Pangulong Duterte tulad ng ginawa nito sa pagsasara sa ABS-CBN at pagpapakulong kay Senador Leila De Lima hinggil sa gawa-gawang kasong droga.
Pero, sinabi ni Gordon na hindi siya puwedeng maduwag sa anomang banta dahil wala itong mukhang ihaharap sa namayapang ama na naghirap upang maging abogado lamang siya at tumindig pabor sa tama at katotohanan.
Nilinaw din ng senador sa publiko na hindi away niya at Pangulong Duterte ang isinasagawang imbestigasyon kundi para sa lahat ng taong naghihirap sanhi ng pandemya na walang masulingan dahil kinurakot ng administrasyon ang pondo. (CHRISTIAN DALE/ESTONG REYES)
151 