BAKUNA AT TRABAHO, DAPAT MAGING POKUS NG GOBYERNO PARA SA ECONOMIC RECOVERY

IGINIIT ni Senador Joel Villanueva ang kahalagahan ng pagbabakuna sa mga manggagawa upang mapadali ang muling pagbubukas ng ekonomiya at pagbabalik ng trabaho.

“We should focus not only on jobs, but also on jabs. But first, we should face our problems and deal with them squarely,” pahayag ni Villanueva.

Ipinaalala ni Villanueva na itinatag ang Public Employment Service Office (PESO) sa mga local government units sa tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang magbigay ng trabaho sa mga nangangailangan.

Trabaho ng PESO ang pagtipon ng datos sa mga job opening, pagtutugma nito sa mga manggagawang walang trabaho, at pagbibigay ng mga seminar at counseling sa mga naghahanap ng trabaho.

Batay sa pinakahuling tala ng gobyerno, umabot ang antas ng unemployment sa 7.7 percent o 3.76 milyong Pilipino, habang ang underemployed ay tumaas sa 14.2 percent mula sa 12.3 percent noong Mayo.

“Katumbas ng underemployment rate ang 6.41 milyong Pilipino,” diin ni Villanueva.

Maituturing anyang underemployed ang manggagawa kapag nagkaroon ng pagbabawas sa oras ng trabaho na nagresulta sa mas mababang sahod o pay cut.

Isang resulta ng pandemya ay ang tila panibagong pre-employment requirement na ang bakuna, na nilarawan ng mambabatas bilang nagbabadyang employment issue.

Tinukoy ni Villanueva bilang “sign of hope” ang private sector-led vaccination programs tulad ng dinaluhan niya kamakailan.

“Damang-dama ko ang mga empleyado habang pinagmamasdan ko silang nakapila para tumanggap ng bakuna,” diin ni Villanueva.

“May sinasabi ang bawat kilos at galaw nila. May matatakbuhan ako. Ligtas ako. May laban na ako,” dagdag ni Villanueva. (DANG SAMSON-GARCIA)

237

Related posts

Leave a Comment