HINDI man lang nagtagal sa kustodiya ng pulisya ang anak ng bilyonaryong nahulihan ng gramo-gramong droga sa silid ng isang hotel sa La Union kung saan pumanaw ang kasamang nobya kamakailan.
Mabilis na nakalaya si Julian Ongpin sa bisa na rin ng resolusyong ipinalabas ng piskalya makaraang mabutasan ang kasong isinampa ng pulisya kaugnay ng drogang tumambad sa silid ng isang hotel sa La Union kung saan natagpuan ang walang buhay na katawan ng visual artist na si Breanna “Bree” Jonson kamakailan.
Sa ulat ng pulisya, tumimbang ng 12.6 gramo ng cocaine ang narekober. Ayon sa imbestigador, masyadong marami ang nasabing droga para lamang sa pagkonsumo. Positibo rin sa drug test ang suspek na anak ng multi-billionaire na si Roberto Ongpin na may-ari ng sikat na Balesin Island sa Polillo, Quezon at ilang nagtataasang mga gusali sa Metro Manila.
Sa kabila ng malaking timbang ng droga na nakumpiska, nakalaya si Ongpin dahil umano sa teknikalidad.
Bukod sa kasong droga, malalimang imbestigasyon din ang ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) director general Guillermo Eleazar, sa posibilidad ng isang foul play. Ani Eleazar, dapat din tukuyin ang eksaktong dahilan ng pagpanaw ng biktima.
Sa pagpapalaya ng piskalya kay Ongpin, una nang ipinag-utos ni Eleazar ang imbentaryo ng lahat ng kasong ibinasura sa piskalya at korte dahil sa pagkukulang ng pulisya mula 2016 hanggang sa kanyang panunungkulan.
“Having data and information on these dismissed drug cases since the war on drugs started in 2016 would truly help the PNP leadership determine the interventions needed so that the junking by the courts of drug cases filed by the police would be avoided in the future,” giit ni Eleazar para aniya makamit ang target nitong conviction rate na patunay ng tagumpay na kampanya kontra droga.
“Kailangang masigurong malakas ang mga kasong ating isinasampa laban sa mga nahuhuli nating sangkot sa iligal na droga kaya’t nararapat na matukoy natin ilan at ano ba ang nagiging dahilan bakit na-dismiss ng korte ang ilan sa ating mga kaso.”
Banta pa ni Eleazar, pananagutin ang mga mapatutunayang sadyang naglaglag ng isinampang asuntong may kaugnayan sa droga, bilang bahagi ng kanyang intensified cleansing program sa hanay ng kapulisan.
Ayon pa sa PNP Chief, sa ginagawang pagrepaso sa mga ibinasurang kaso, magsasagawa sila ng mga pagbabago kung paano nila mapagbubuti ang anti-illegal drug operation ng pulisya.
Sa datos ng PNP, nakapagtala sila ng 200,632 anti-illegal drug operations na ikinadakip ng 289,622 drug suspects.
“The conviction of all these arrested drug suspects would prove we are winning the war on drugs and that it has been effectively curbing the further proliferation of illegal drugs in the country,” giit ng heneral.
Bukod sa pagnanais na mapataas ang conviction rate sa drug cases, target din ng PNP chief na matukoy ang mga pulis na naging dahilan ng pagbabasura ng kaso dahil sa mga pagkakamali tulad ng hindi tamang pagsasagawa ng operasyon at sadyang pagpapahina ng ebidensya sa piskalya ng ilang tiwaling pulis na kasabwat ng akusado.
“Kung magkakaroon po tayo ng mahusay na accounting ng mga dismissed na kaso, mate-trace natin kung sino ba sa ating mga personnel ang sangkot sa katiwalian.” (FERNAN ANGELES)
197 