10 WANTED PERSONS NALAMBAT NG PNP-PRO5

SAMPUNG wanted persons na nahaharap sa iba’t ibang kaso ang nalambat ng pulisya ng Bicol bunga nang mas pinaigting na operasyon kontra kriminalidad ng PNP-Police Regional Office 5 sa pamumuno ni P/Brig. Jonnel C. Estomo.

Sa datos ng PNP-PRO5 na ibinahagi ni Major Malou, Calubaquib, sa Sorsogon, umarangkada ang Pulis Kasanggayahan sa pagtugis sa tatlong wanted persons.

Dakong alas-6:30 ng umaga sa Brgy. Awaii, Donsol, napasakamay ng Donsol MPS ang akusadong si Michael Miranda y Nuelan, 40-anyos,

residente ng Brgy. San Vicente ng nasabing bayan. Si Miranda ay nahaharap sa kasong attempted murder na may piyansang P120,000.

Bandang 9:30 ng umaga naman, nasakote ang 39-anyos na si Joey Ernacion y Espinocilla, residente ng Brgy. Sulangan, Matnog. Si Ernacio ay may kasong kaugnay sa paglabag sa RA 7610 at may piyansang P80,000.

Sa Brgy. San Juan, Irosin, ‘di na rin nakapalag ang wanted na si Maue Villaflores y Jimenez, 33-anyos, residente ng Brgy. Gabao. Nahaharap ito sa kasong paglabag sa RA 9175 o “Act Regulating the Ownership, Possession, Sale, Importation and Use of Chain Saws, Penalizing Violations Thereof and For Other Purposes”. Ang korte ay may inilaang piyansa sa halagang P36,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Sa Brgy. Libod, Pandan, Catanduanes, tatlo rin ang nahuli sa manhunt operation ng mga pulis sa paglabag sa illegal gambling laws.

Kinilala ang mga nahuli na sina Michael De Leon y Vitalicio, 40-anyos, residente ng Barangay Porot; Michael Trinidad y Baron, 40-anyos, residente ng Barangay San Isidro, at Jeffrey Espiritu y Baron, 27-anyos, residente ng Barangay San Isidro, Pandan, Catanduanes.

Ang mga ito ay nahaharap sa kasong paglabag ng PD449 at PD1602 na may kaukulang piyansang P30,000.

Samantala, dalawa naman ang nalaglag sa isinagawang manhunt operation ng Camarines Sur Police Provincial Office. Ang mga ito ay kinilalang sina Rosalie Abonita y Cadiz, 32-anyos, residente ng Z-2A, Brgy. San Isidro, Bula, Camarines Sur, nahaharap sa kasong paglabag sa BP Blng. 22 (Bouncing Check Law) na may piyansang P6,000; at Feliciano Belmin Jr. y Burce, residente ng Zone 5, Brgy. San Jose, Tinambac, Camarines Sur, may kasong tatlong bilang ng rape na walang piyansa.

Dalawa rin sa Naga City ang pormal na sinilbihan ng warrant of arrest para sa kasong estafa. Ito ay sina Ejercito De Jesus Sr. y Binarao, 48,

at Flordeliza De Jesus y Anacin, 49, parehong residente ng Zone 6, Caimito St., Brgy. Dayangdang, Naga City. Para sa kanilang paglaya, ang korte ay naglaan ng piyansa sa halagang P18,000.

Ang nahuling mga wanted ng batas ay nasa pangangalaga na ng himpilan ng PNP Bicol para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Ang pamunuan ng Kasurog Bicol ay nananatiling nakatuon sa pagbibigay ng hustisya at pagresolba sa mga suliraning kinahaharap ng komunidad. (JESSE KABEL)

255

Related posts

Leave a Comment