‘HARANA NG PAG-ASA’ HANDOG SA PASYENTE

STA. ROSA, Laguna – Bukod sa lunas ng medisina, malaking bentahe rin ang haranang nagbibigay ng pag-asa sa mga pasyenteng nakaratay dahil sa banta ng nakamamatay na COVID-19, ayon sa pamunuan ng Medical City South Luzon kung saan nakatalaga ang isang pambihirang nursing aide sa likod ng viral video sa social media.

Pagmamalaki ni Medical City South Luzon president Dr. Cesar Espiritu, mapalad silang naging kawani nila si Kristelle Ann Honorio, isang nursing aide na matiyagang isinasabay sa kanyang nursing rounds ang panghaharana sa tulong ng isang gitarista sa kanilang mga pasyente – may COVID man o wala.

Ani Espiritu, kahit minsan ay hindi niya naringgan ng reklamo si Honorio sa kabila pa ng hirap na inaabot nito sa mas pinahabang oras ng trabaho para lamang makatugon sa bugso ng pasyenteng dumarating sa kanilang pasilidad. Sa halip, isang magandang himig ang handog nito sa bawat pasyenteng nakaratay sa kanilang pagamutan.

Paglilinaw ni Espiritu, bagamat siya ay isang alagad ng medisina, malaking bagay ang ginagawa ng kanilang nursing aide na aniya’y nagbibigay kasiyahan at pag-asa sa mga pasyenteng patuloy na lumalaban sa hangaring malagpasan ang matinding karamdaman nang malayo sa kani-kanilang pamilya.

Gayunpaman, inamin ni Espiritu sa sadyang mahirap ang sitwasyon sa kanilang pagamutan lalo pa’t walang nakikitang paghupa sa pagbugso ng pasyente mula sa iba’t ibang lokalidad sa Laguna.
Aniya, naisin man nilang dagdagan ang kanilang COVID-dedicated bed capacity, kapos na sila sa mga healthcare workers.

Pag-amin pa niya, marami sa kanila ay tinamaan na rin ng nakamamatay na sakit. Ang nalalabi sa kanilang hanay – pawang pagod na rin dahil sa haba ng oras ng trabaho bukod pa sa dami ng pasyenteng inaasikaso.

“Mahirap kasi tumanggi ng pasyente although sometimes we have to really do it dahil pagsabay-sabay lalo na yung critically-ill hindi na maasikaso,” sambit pa niya. (CYRILL QUILO)

655

Related posts

Leave a Comment