NAKAPAGTALA ng 17 namatay sa COVID-19 ang CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area, batay sa ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod.
Umakyat sa 1,436 ang total COVID deaths sa Caloocan City noong Setyembre 24 mula sa 1,423 noong Setyembre 22 o karagdagang 13 casualties, habang 2,098 naman ang active cases. Pumalo na sa 55,559 ang total confirmed cases sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 51,215 na ang gumaling.
Tatlong COVID patients naman ang binawian ng buhay sa Navotas City at 1,006 ang active cases hanggang 11:59 pm noong Setyembre 23 matapos na 49 ang nagpositibo sa virus at 129 naman ang gumaling. Sumampa na sa 16,904 ang tinamaan ng COVID sa fishing capital, at 15,392 na sa mga ito ang gumaling at 506 ang namatay.
Isang COVID patient naman ang namatay sa Valenzuela City at 1,431 ang active cases noong Setyembre 24 matapos na 203 ang gumaling at 214 naman ang nahawaan. Umabot na sa 32,413 ang nasapul ng pandemya sa siyudad, at sa nasabing bilang ay 30,283 na ang gumaling at 699 ang namatay.
Walang iniulat na namatay sa COVID sa Malabon City noong Setyembre 24 ngunit 74 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 20,139 ang positive cases sa siyudad, 713 dito ang active cases. Habang 36 pasyente ang gumaling at 18,813 ang recovered patients ng lungsod habang 613 ang COVID death toll. (ALAIN AJERO)
145 