2 ESTUDYANTE, KUBRADOR TIMBOG SA LOTTENG

DALAWANG estudyante ang dinakip kasama ang kubrador na kanilang tinayaan ng lotteng noong Biyernes ng gabi sa Malabon City.

Magkakasunod na ibinalibag sa selda sina Lanz Joseph Patani, 18, estudyante; Rondaznie Aldana, 21, estudyante, at Argie Tabinas, 35, kubrador, pawang mga residente ng lungsod.

Ayon sa ulat, may nagnguso sa mga parak ukol sa pamamayagpag ng Lotteng sa Gov. Pascual Avenue sa harap ng Arellano University sa Barangay Concepcion.

Alas-7:40 ng gabi nang isagawa ang anti-illegal gambling operation at isang undercover ang nakataya ng P200 sa lotteng kay Tabinas.

Sa puntong ito, inaresto si Tabinas at dinampot din ang dalawang estudyante na tumataya umano sa naturang ilegal na sugal.

Nasamsam kay Tabinas ang dalawang ballpen, listahan ng taya, calculator, P200 tayang salapi ng undercover cop, at P1,540 pang taya. (ALAIN AJERO)

153

Related posts

Leave a Comment