PATAY ang isang babaeng crew ng RoRo/passenger vessel habang 37 tripulante naman ang nasagip sa karagatan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa magkahiwalay na sea mishaps sa Cebu at Ormoc City, ayon sa ulat ni Commodore Armand Balilo ng Coast Guard Information Office.
Bukod dito, napag-alaman na may siyam pang crew ng fishing vessel ang nawawala.
Ayon sa ipinadalang incident report sa tanggapan ni PCG Commandant Vice Admiral Leopoldo V. Laroya, isa ang nasawi sa paglubog ng MV Lite Ferry 3 habang nagsasagawa ng docking maneuver sa pantalan ng Ormoc Port sa Ormoc City, Leyte bandang alas-11:50 noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang nasawing tripulante na si Raquel Alo, 33, umano’y
nadaganan ng mga kargamento nang tumagilid ang starboard side (kanang bahagi) ng barko.
“Upon arrival at the incident area, the PCG sighted that the said vessel was already on its starboard side (right),” ayon sa ulat ni Angel Viliran, PCG commander for Eastern Visayas. Nagmula ang Roro vessel sa isang private wharf sa Mandaue City, Cebu.
Nailigtas naman ng PCG ang 15 pang crew ng barko bandang alas-12:05 ng madaling araw nitong Sabado.
Bandang alas 12:30 ng madaling araw, nakuha ang bangkay ni Alo kasunod ng isinagawang underwater search and retrieval operation ng nagrespondeng SAR team.
Nasa pangangalaga na ng Ormoc City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang 15 tripulante para sa kaukulang medical assistance.
Pinayuhan ng Coast Guard ang kapitan ng barko na kinilalang si Carlos Rosolada, na maghain ng protest action.
Ayon kay Seaman 2nd Class Ryan Jude Abalahin ng Philippine Coast Guard Ormoc, ayon sa salaysay ni Rosaloda, tahimik ang dagat at walang malalaking alon noong Biyernes ng gabi.
Ngunit nagtaka sila nang makitang pinasok ng tubig ang barko habang padaong sa pantalan ng Ormoc.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng paglubog ng barko.
Samantala, siyam na mangingisda ang nawawala habang 22 ang nailigtas matapos lumubog ang kanilang fishing vessel sa karagatang nasa pagitan ng Cebu at Iloilo noong Biyernes.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard, agad silang nagresponde matapos makatanggap ng impormasyon na lumubog ang fishing vessel na St. Peter the Fishermen II sa pagitan ng Tanguingui Island at Northern Cebu at Gigantes Island sa Iloilo.
Ipinadala ng PCG ang barkong BRP Nueva Vizcaya at isang vessel naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para magsagawa ng search and rescue operations.
Sinasabing nasa 31 mangingisda ang sakay ng lumubog na barko.
Tumulong din ang sister ship ng barko at nasagip and 22 mangingisda na nagpalutang-lutang sa karagatan. Agad silang dinala sa
pinakamalapit na pier sa Cadiz City sa Negros Occidental.
Hindi pa makita ang siyam na mangingisda, kabilang si Captain Frankie
Chavez, ang kapitan ng barko na pag-aari ng Tristar Fishing Corporation, ang chief engineer, at ang cook ng barko.
Ang 22 nakaligtas naman ay sumailalim sa medical check-up at ihahatid na sa kani-kanilang mga probinsya habang ipinagpatuloy ang search and rescue operations ang PCG.
Sa salaysay ni Second Mate Pablito Desamparado, isa sa 22 nakaligtas, sinalpok sila ng malakals na hangin at malalaking alon habang nangingisda bandang ala-una ng madaling araw noong Biyernes. (JESSE KABEL)
200 