NANINIWALA ang dating konsehal na ngayon ay businessman na si Don Bagatsing na uunlad ang maliliit na negosyante sa pamamagitan ng General Tax Amnesty plan ng lungsod ng Maynila.
Ayon kay Bagatsing, maganda at napapanahon ang programang ito ng lungsod na magsisimula ngayong October 1 hanggang December 29.
Ang kautusang ito aniya ni Mayor Isko Moreno ang magiging dahilan ng pag-usbong ng maliliit na negosyo sa lungsod.
“Imbis na penalty at interest ang babayaran para lang magbukas, madadagdagan ang capital ng maliliit na mga negosyo, maraming maeengganyong magtayo at muling magbukas ng kanilang mga negosyo” pahayag ni Bagatsing.
Ani Bagatsing, bunsod ng pandemya ay maraming nawalan ng trabaho at nagsarang negosyo, kaya’t maraming nawalan ng gana, kaya ang pagbibigay ng amnesty ay isang insentibo para mag-umpisa, gumalaw, at magsimula muli ang maliliit na negosyante.
“A General tax amnesty is an act meant to encourage people to get back on their feet and be productive again. Parang sa baterya ng kotse na diskargado na, kailangan “i-series” para umandar ulit. Its the same concept. Tamang mungkahi ito ni Yorme Isko,” sabi ni Bagatsing.
Kasabay nito, nananawagan si Bagatsing sa lahat ng alkalde sa buong bansa na ipatupad din sa kanilang nasasakupan ang magandang ideya na ito ng lungsod ng Maynila.
“Try and think of other “unorthodox ways” to jumpstart your local economy. Maraming paraan para makabangon sa pagbagal ng ekonomiya dulot ng pandemya, its time to do it,” pagtatapos pa ni Bagatsing.
244 