HABANG nirerepaso ng Kongreso ang pagpapatupad ng Continuing Professional Development (CPD) Act, isinusulong ni Senador Win Gatchalian na gawing abot kaya at praktikal ang mga training program na kailangang bunuin ng mga propesyunal sa bansa upang makapag-renew ng kanilang lisensya.
“Kung magkakaroon ng pamantayan at isasakatwiran ang mga bayarin pati na rin ang mga online training program habang may umiiral na pandemya, makatwiran lang na tanggalin na ang mga dagdag na gastusin ng mga prospesyunal sa pagre-renew nila ng kanilang Professional Identification Card (PIC),” sabi ni Gatchalian.
Matapos umani ng reklamo mula sa stakeholders kaugnay sa pagpapatupad ng CPD Act, sinabi ng Professional Regulatory Commission (PRC) na naglabas na sila ng ilang resolusyon upang gawing mas flexible ang mga nire-require na pagsasanay at seminars na naglalayong itaas ang kwalipikasyon ng mga professional.
Kabilang dito ang accreditation ng online courses at ang hindi pagsingil ng accreditation fee sa mga online training program na kaagad namang pinuri ni Gatchalian dahil tinutugunan aniya nito ang kapakanan ng mga professional sa ganitong panahong may krisis. (ESTONG REYES)
148 