SINAMPAHAN ng patung-patong na kaso sa Office of the Ombudsman noong nakalipas na Setyembre 21, si PLTCol Ritchie R. Claravall at limang tauhan nito sa Quezon City Police District Masambong Station 2 matapos balewalain ang umiiral na kautusan ng korte para sa patuloy na operasyon ng Peryahan ng Bayan ng Globaltech Mobile Online Corporation.
Batay sa mga reklamong kriminal at administratibo na inihain sa Ombudsman ni Cindy Labtang, Field Operations Officer ng Globaltech, direktang nilabag ni Claravall, station commander ng
QCPD PS 2 at mga tauhan nito ang Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act Section, 3A at E; Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Section 4 A at C; at Republic Act 6770 na may kaugnayan sa Ombudsman Act, Section 19 (1, 2, 4 at 6) at Administrative Order 7, Rule 3 (Section A, B, C, D, F at H).
Binigyang diin ng Globaltech sa kanilang reklamo ang direktang paglabag umano ni Claravall at mga tauhan nito sa karapatan ng kompanya na ipagpatuloy ang operasyon nito na ginagarantiyahan ng status quo ante order na iniutos ni Presiding Judge Nicanor A. Manalo, Jr. ng Pasig Regional Trial Court Branch 161 noong Mayo 17, 2016.
Batay sa rekord, ang naturang kautusan ay kinatigan din ng Court of Appeals matapos utusan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na patuloy na magpadala ng opisyal na kinatawan para sa PNB draw ng Globaltech.
Matatandaan na batay sa CA – G.R. SP No. 151727 at CA – G.R. SP No. 154056 noong Enero 14, 2019 ay nabigo ang petition for certiorari na inihain ng PCSO upang kanselahin ang operasyon ng Globaltech at unanimous na kinatigan ng Court of Appeals ang inilabas na status quo ante order ng Pasig RTC.
Hindi umano kinilala ni Claravall ang utos ng korte sa ginawa nitong pag-aresto at pagpapakulong noong Agosto 3, 2021 at pagsasampa ng kasong illegal gambling sa pito (7) sa tauhan ng Globaltech batay na rin sa affidavit of arrest at referral letter na isinumite sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Samantala, kabilang din sa mga sinampahan ng mga kaso sina PCpl. Wilford Cipriano, PCpl. Richard Valdez, PSSg Christian Pasta, PMSg. Robinson Padilla at PMSg. Alex Atchecoso. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
826 