Kasunod ng babala ni PDuterte sa mga ‘manggugulo’ TAPAT AT PAYAPANG ELEKSYON 2022 TINIYAK

NANINIWALA si Philippine National Police Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar na nasa tamang landas ang kanilang kampanya para sa isang tahimik at maayos na Eleksyon 2022.

Ayon kay Gen Eleazar, tuloy-tuloy ang hakbangin ng pambansang pulisya para siguruhing magiging tapat at mapayapa ang pagdaraos ng halalang pampanguluhan at lokal sa susunod na taon.

“Sunod-sunod na ang aming matagumpay na operasyon sa iba’t ibang panig ng bansa na nagresulta sa pagkakahuli ng mga gunrunners, mga miyembro ng Private Armed Groups at pagkakakumpiska ng maraming baril na maaaring gamitin upang mandaya at isabotahe ang Halalan 2022,” wika ni PGen Eleazar.

“Patuloy ang aming mga intelligence-build up at monitoring sa iba’t ibang panig ng bansa lalo na sa mga lugar na may kasaysayan ng election violence. Target natin dito ang mga private armed groups at mga baril na maari nilang gamitin sa paghasik ng karahasan,” dagdag pa niya.

Patuloy rin aniya silang nakikipag-ugnayan sa Commission on Elections (Comelec) at iba pang mga ahensya ng pamahalaan pagdating sa latag ng seguridad kabilang na ang pagtukoy sa mga election hotspot gayundin sa mga grupo at indibidwal na posibleng kunin bilang goons ng mga pasaway na politiko.

Nauna rito, nanawagan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa publiko na manatili lamang sa “rule of law” at iwasan ang karahasan sa 2022 national elections.

Sa talumpati ni Pangulong Duterte, matapos pangunahan ang pagpapasinaya sa Sultan Kudarat Provincial Hospital sa Isulan town, ay sinabi nito na nais niya ang mapayapang eleksyon sa susunod na taon.

“There will be votes and it will be counted correctly. Nobody wants trouble, nobody wants cheating. Sabi ko, nakikiusap na ako. I’m pleading, almost praying, that people will really stick to the rule of law and avoid violence,” ayon sa pangulo.

Hindi naman binanggit ng Chief Executive ang partikular na grupo o kung mayroon mang intelligence reports na may anomang organization planning na gagamit ng karahasan o puwersa para impluwensiyahan ang resulta ng national polls.

Subalit nagbabala ang pangulo na maaari niyang tawagan ang military upang matiyak ang mapayapa at maayos na pagsasagawa ng halalan sa bansa sa susunod na taon.

“Kasi kapag hindi, unahan ko na kayo, I will be forced to use the might of the military, not for any purpose but to see to it that the election is peaceful and violence-free. ‘Yan ang hingi ko, not only here but all places in the Philippines,” ayon kay Pangulong Duterte na nauna nang pormal na tinanggap ang nominasyon na tumakbo bilang bise-presidente sa susunod na taon.

“Either we have an election that is free, or I will use the military to see that the elections are free. The military is the guardian of our country, and I could call them anytime to see to it that people are protected and elections freely orderly exercised,” aniya pa rin.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ang karahasan at cheating tactics sa mga nagdaang halalan ang sumira sa ilang lugar sa bansa.

Noong 2018, nakita sa data ng Philippine National Police na ang bilang ng “politically motivated killings” ay dumoble kumpara noong 2017.

Ilan sa mga iniuugnay sa election related violence ang pagpatay kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote; Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alex Lubigan (parehong nangyari noong July 2018); Buenavista Bohol Mayor Ronald Tirol noong May 2018; at Ronda, Cebu Vice Mayor Jonnah John Ungab noong February, 2018. (JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)

89

Related posts

Leave a Comment