OCCIDENTAL MINDORO – Anim na tripulante ang nasagip habang nalunod ang pitong kalabaw at apat na baka nang lumubog ang isang motor banca sa karagatan sa nabanggit na lalawigan noong Biyernes.
Base sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), naglalayag mula sa Coron, Palawan patungo ng San Jose, Occidental Mindoro ang motor banca na Kenn Stephanie nang salubungin sila ng malakas na alon sa bahagi ng Pandan Island sa bayan ng Sablayan.
Pinasok ng tubig ang bangka dahilan para lumubog ang sasakyang-pandagat. Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng PCG sa lugar at nailigtas ang anim na tripulante ngunit patay na ang mga hayop na nalunod sa dagat.
Nahatak na ang bangkang de-motor sa Sablayan Port at agad na nakipag-ugnayan ang PCG sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Municipal Environment and National Resources Office (MENRO), at sa Municipal Veterinary and Sanitary Inspector para sa tamang disposisyon sa namatay na mga hayop.
Ipinasa naman ng PCG sa Sablayan Municipal Police Station ang dokumentasyon at imbestigasyon sa insidente. (RENE CRISOSTOMO)
