PAGPATAY SA PULIS SA ALBAY PINAIIMBESTIGAHAN

IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar sa Police Regional Office 5 na resolbahin sa lalong madaling panahon ang pagkamatay ng isang pulis sa Daraga, Albay.

Kinilala ang pulis na si Police Staff Sergeant Allan Madelar na nakatalaga bilang intelligence warrant officer ng Guinobatan Municipal Police Station.

“Inatasan ko na ang RD, PRO5, P/BGen. Jonnel Estomo na resolbahin kaagad ang kaso ng pagpaslang sa isa naming kasamahan sa Albay na si P/SSgt. Allan Madelar,” wika ni P/Gen. Eleazar.

“Kasama dito ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang motibo na magiging susi sa pagkakakilanlan ng mga taong nasa likod nito,” dagdag ng opisyal.

Napag-alaman na pinagbabaril ng hindi pa matukoy na mga suspek si Madelar sa Barangay Peñafrancia matapos dumalo sa isang birthday party noong Sabado ng gabi.

Nagpaabot din ng kanyang pakikiramay ang PNP chief sa pamilya ni P/SSgt. Madelar at nangakong ibibigay ang naaangkop na tulong para sa naulilang pamilya.

“Nais ko iparating sa mga kaanak ni P/SSgt. Madelar ang pakikiramay ng buong PNP at tinitiyak ko sa kanila na hindi titigil ang kapulisan hangga’t hindi nadarakip at nasasampahan ng kaso ang mga salarin,” pahayag ni P/Gen. Eleazar.

Samantala, umapela ang PNP chief sa lahat ng nakasaksi sa insidente na lumapit at tulungan ang mga awtoridad sa pagbibigay linaw sa kaso. (JESSE KABEL)

111

Related posts

Leave a Comment