250 KATAO HULI SA ILLEGAL ONLINE SABONG

ARESTADO ang nasa 250 katao matapos salakayin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Central Office ang isang Online Illegal Sabong sa San Leonardo, Nueva Ecija.
Kabilang sa mga naarestong hindi pa pinangalanan ay ang operator, empleyado at mga mananaya.

Ayon kay Atty. Emeterio Dongallo Jr., pinuno ng NBI-Special Project Team, Lunes ng hapon nang isagawa nila ang pagsalakay sa Mavin’s Events Center sa San Leonardo, Nueva Ecija.
Aniya, nakatanggap sila ng mga reklamo mula sa ilang lehitimong operator ng e-sabong sa bansa na may nag-ooperate ng illegal e-online sabong sa naturang lugar.

Nakuha mula sa lugar ng pinangyarihan ang libu-libong pera na ginamit sa pagtaya, mga gamit sa operasyon gaya ng camera at computer, na gamit naman sa live streaming ng sabong, at mga manok na panabong.

“Ang modus nitong illegal na e-sabong operator, pareho lang nung legal. Meron silang pasabong, tapos nila-live stream nila then bettors will bet online. Ang problema lang hindi sila nagbabayad ng franchise,” ani Dongallo.

Posible naman maharap sa paglabag sa illegal gambling o PD 1602 in relation to cybercrime prevention act ang mga sangkot sa ilegal na operasyon.

Ikinatakot din ng opisyal na posibleng maging superspreader ng COVID virus ang naturang ilegal na sugalan dahil bawal pa rin ang live na sabong sa buong bansa.

Giit pa ni Dongallo, malaki ang nalulugi sa pamahalaan dahil sa operasyon ng naturang ilegal na online sabong. “Malaki po, magkano ba ang franchise fee ng mga legitimate na mga e-sabong operators di ba? Tapos yung monthly pa na tax o buwis na dapat sana pang ayuda natin sa COVID approach ng gobyerno”.

“Gastos sa mga bakuna, facemask, pang sweldo ng mga health workers,” dagdag pa ng opisyal.

Matapos ang operasyon lumutang ang isang nagpakilalang MJ sa mga awtoridad at ipinagpilitan kumpleto umano sila ng papeles sa kanilang operasyon, pero nang hingan ito ay wala namang maipakita.

Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga opisyal ng NBI sa posibleng nasa likod ng naturang ilegal na operasyon.

“Im sure naman kung sino yung mahuhuli natin hindi naman yung mga bosses di ba? Sila yung mga operator, administrator. Pero we will dig deeper, alamin natin kung sino ba talaga ang behind. Para at least mahinto na natin ito. Sa tingin ko malaki yan. Kita nyo naman nagpapa-operate sila ng isang buong sabungan. Parang coliseum yan?, saad pa ni Dongallo. (ANNIE PINEDA)

320

Related posts

Leave a Comment