KUMPISKADONG SIBUYAS SINIRA NA LANG

TINATAYANG aabot sa P13.5 milyong halaga ng mga kum­piskadong sibuyas mula sa bansang Tsina ang tuluyan nang sinira ng tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) sa Cagayan de Oro, kamakailan.

Sa isinagawang pagsira ng mga kumpiskadong sibuyas sa pasilidad ng Terra Cycliq Corp­oration sa bayan ng Manolo Fortich sa lalawigan ng Bukidnon, nagbabala rin ang BOC sa iba pang magtatangkang magpuslit ng mga kargamento sa hangaring makaiwas sa buwis na katumbas ng inangkat na produkto.

Makaraan ang pagsira, agad naman itong ibinaon ng kawanihan sa isang lugar sa loob mismo ng nasabing destruction facility.

Nasabat ang mga sibuyas na kilala bilang mga “red onions” noon pang Agosto 10 sa isang operasyong inilunsad ng Customs Intelligence and Investigation Service ng Port of Cagayan de Oro bunsod ng isang intelligence report hinggil sa pa­parating na kargamentong idineklarang “cream cheese” at “frozen puff pastries.”

Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Customs Modern­ization Act ang JD Fallar Consumer Goods Trading na tumatayong consignee ng nasabat na kargamento. (JOEL AMONGO)

212

Related posts

Leave a Comment