SA hangaring huwag malagay sa peligro ang mga lalahok sa napipintong face-to-face experimental classes sa mga piling lugar sa bansa, nanawagan ang isang kongresistang huwag nang isama pa ang mga estudyante at mga school personnel na may comorbidities.
Bukod dito, nais din ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na maglatag ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ng mga plano para maiwasan ang hawaan sa mga paaralan.
“Studies have shown that people with comorbidities are more likely to develop a more severe course and progression of the disease and are therefore at higher risk than people with no comorbidity to COVID,” ani Biazon sa isang pahayag.
Dapat aniyang i-exempt ang mga estudyante, guro at iba pang school personnel sa face to face classes na kasalukuyang pinaghahandaang ipatupad ng dalawang nabanggit na ahensya.
Kailangan din aniyang dagdagan ang mga medical personnel sa mga paaralang bubuksan sa face-to-face classes upang matutukan ang mga estudyante at guro kasabay ng pagtiyak na masusunod ang itinakdang health protocols.
Base sa mga naunang ulat, tanging mga bakunadong guro at estudyante sa mga bubuksang paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa ang papayagan sa face-to-face classes.
Bagamat sang-ayon si Misamis Oriental Rep. Juliette Uy sa isinusulong ni Biazon, dapat umanong idagdag ang pagsasagawa ng regular na antigen test sa lahat ng makikibahagi sa face-to-face classes upang masigurong walang virus na kakalat sa mga eskwelahan ngunit ilibre ang mga ito sa gastos. (BERNARD TAGUINOD)
143 