BAGONG OLIGARKO

KUNG ang pagbabatayan ay ang mga salitang namutawi sa mga labi ng Pangulo, malinaw na hindi pabor ang administrasyon sa ­monopolyo ng mga oligarkong kumokontrol sa tinatawag na utility services – kuryente, tubig at komunikasyon.

Subalit taliwas sa mga pahayag ng Pangulo ang pagsulpot ng mga bagong oligarkong mula sa hanay ng mga kaalyado niya mismo.

Una nang nagawang masungkit ng Udenna Group ni Dennis Uy mula sa Davao ang 90% ng controlling stake ng Malampaya natural gas project sa karagatang sakop ng Palawan makaraang bilhin nito ang 45% na bahagi na dating hawak ng Chevron Philippines.

Nasundan ito ng isa pang maniobrang nagbigay sa Udenna Group ng panibagong 45% controlling share mula naman sa Shell Philippines.

Kapwa establisado ang Chevron at Shell sa larangan ng enerhiya. Ang hindi malinaw ay ang kakayahan ng Udenna sa industriyang nagpapailaw sa milyon-milyong tahanan, nagpapatakbo ng mga industriya at sandigan ng iba pang sektor ng lipunan.

Ayon kay Energy Resource Development Bureau Director Cesar Dela Fuente, pinoprotektahan ng Department of Energy (DOE) ang mga Pilipino kaya nila kinailangang rebisahin ang dalawang transaksyong ikinagulat ng sektor ng enerhiya.

Sa datos ng gobyerno, ang Malampaya natural gas project ang nagsu-supply ng 30% ng kinakailangang enerhiya sa limang iba pang power plants sa Luzon.

Sa pagkopo ng Udenna sa 90% ng controlling stake sa Malampaya, nangangahulugan ito ng pamamayagpag ni Uy sa susunod na dalawang dekada.

Pero teka, parang may mali. Sa ilalim ng Department Circular 2007-04-003, dapat aprubado muna ng DOE ang ano mang transaksyon kaugnay ng paglilipat ng petroleum service contract, bagay na nilabag ng Udenna ni Uy.

Sa kalatas ng DOE, “The rights and obligations under a petroleum service contract ­executed ­under PD 87, as amended, shall not be assigned or transferred without the prior approval of the DOE”.

Kung pagbabasehan ang mga kaganapan nitong mga nakaraang buwan, mukhang walang ­kakayahan ang Udenna lalo pa’t pawang saklaw ng Malampaya ang mga lugar kung saan nakapagtala ng mga paputol-putol ng supply ng ­kuryente.

Dati-rati namang gobyerno ang nangangasiwa at naghahatid ng mga serbisyo sa patubig, ­kuryente at telekomunikasyon. Ang tanong, bakit kailangang ilipat sa mga kapitalistang kaalyado?

Gantimpala ‘yan para sa masigasig na nagpondo sa kampanya ng Pangulo.

153

Related posts

Leave a Comment