‘DI SANA GAYAHIN ANG CHINA

NAGBANTA si Pangulong Rodrigo Duterte na gagamitin nito ang kanyang police power para pilitin ang mga tao na magpabakuna ng anti-COVID-19 vaccines kapag may sapat nang supply nito.

May kapangyarihan ang Pangulo na gawin ang lahat nang dapat gawin para matiyak na lahat ng mga Filipino na vulnerable sa COVID-19 ay mabakunahan dahil hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagdududa sa bisa ng mga bakuna lalo na ang Sinovac na binili nila sa China at may pinakamaraming supply kumpara sa iba pang brand na mas pinagkakatiwalaan ng mga tao.

Kapag inanunsyo ng LGUs na ang ibabakuna nila sa araw na ito ay Sinovac, matumal ang nagpapabakuna pero kapag ibang brand na gawa sa labas ng China, ­dinadagsa nila ang vaccination ­centers.

Posibleng ‘yan ang dahilan kung bakit nagbanta ang Pangulo na gagamitin nito ang kanyang police power para pilitin ang mga tao na magpabakuna dahil inaayawan ng mga tao ang Sinovac.

Marami kasing naturukan ng Sinovac ang nahawa ng COVID-19 at nanganib pa ang kanilang buhay kaya hindi mo masisisi ang mga tao na aayawan ang mga bakunang ito mula sa bansa kung saan nagmula ang COVID-19.

Pero sa pagpapatupad ng police power, hindi sana gayahin o gawing ­modelo ng mga awtoridad sa Pilipinas ang China kung papaano pinipilit ang mga mamamayan nila na magpabakuna ng gamot na gawa sa kanilang sariling bansa.

May mga smuggled video mula sa China kung papaano gamitan ni Xi Jinping ng kapangyarihan ang Chinese nationals na ayaw magpabakuna na kapag nangyari sa ibang bansa ‘yun, magwawala ang mga tao dahil nilalabag ng gobyerno ang karapatang pantao ng kanilang mamamayan.

Sa mga video na kumakalat sa social media, kahit ‘yung mga may malubhang karamdaman ay pinupuntahan sa mga bahay/apartment para bakunahan at kapag papalag, pagtutulungan siya ng ­maraming pulis na ­i-wrestling hanggang sa maturukan ng gamot.

May mga patunay sa China na namatay matapos silang mabakunahan kaya marami ang natatakot na magpabakuna kaya sapilitan na ang pagbabakuna na ginagawa ng Chinese authorities.

Kapag wala ring bakuna ang isang Chinese national, wala silang QR code na nagpapatunay na nabakunahan na sila at kapag wala sila nito, ay hindi sila papapasukin sa mga hospital, mga gusali pribado man o gobyerno at higit sa lahat hindi sila pasasakayin sa bus, tren at iba pang pampublikong sasakyan.

Hindi rin puwedeng puntahan ng isang Chinese ang kanyang mga kaanak na nakatira sa ibang lugar kapag wala siyang QR code dahil kapag nahuli ka, binubugbog ng mga otoridad at kapag nagtangkang lumusot sa checkpoint ang walang QR code, pitong taong ikukulong.

Siyempre hindi ‘yun inuulat sa mainstream media sa China dahil kontrolado ng gobyerno nila ang fourth state. Bawal i-report ang katotohanan at puro magaganda lang ang dapat nilang i-report.

Puwede namang bumatikos pero hindi ang gobyerno ang babatikusin kundi ang ibang bansa tulad ng Amerika na gusto nilang itumba hindi lang sa ekonomiya kundi sa aspetong militar.

Kasama rin sa puwede nilang batikusin ang Pilipinas kapag pumapalag ang mga Pinoy at iilan nating lider, sa pang-aagaw nila ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Ang punto ko, huwag sana umabot sa puntong gagayahin ng Pilipinas ang China kapag ginamitan na ni Pangulong Duterte ng police power ang mga taong ayaw magpabakuna dahil tiyak papalag ang human rights advocates at taumbayan mismo.

164

Related posts

Leave a Comment