KUNG katulad ni Police Corporal Jenos Asaron ang mga awtoridad natin sa iba’t ibang lugar sa bansa, wala sana tayong problema sa peace and order.
Napanood ng PUNA ang viral na video ngayon sa social media kung paanong inagawan ni Asaron ang isang lalaking may dalang maigsing baril sa Butuan City.
Hindi na nakapalag ang suspek habang nakatalikod siya at nakikipag-usap sa ibang pulis, nang agawan siya ng baril ni Asaron.
Bilib din tayo sa istratihiya ng kanilang hepe na nanguna sa short briefing na kasama si Asaron kung paano aagawan ng baril ang kumag na lalaking ito na may balak pa ata mag-amok.
Buti na lang mabilis ang kapulisan partikular si Asaron na siya mismong humablot sa baril na hawak ng lalaki.
Sinabayan naman ng lapit ng mga kasamang pulis ni Asaron na naka-back-up sa kanya na pawang mga unipormado.
Kung hindi nagbigay ng statement si P/Cpl. Asaron, hindi natin aakalaing pulis pala siya dahil hindi siya unipormado.
Siguro estratehiya nila na hindi magsuot ng uniporme si Asaron.
Ang lakas ng loob niya at galing, nakalapit siya nang walang kamalay-malay ang may dala ng baril.
Mabuhay ka sir! I salute you sir! Yes Sir!
Nauna rito, ayon kay Asaron, nakatanggap sila ng impormasyon na may lalaking may dala-dalang baril sa lugar.
Kaya mabilis na nagpatawag ng short briefing ang kanilang hepe sa kanyang mga tauhan at sinabi kung sino ang pinakamalapit sa suspek, siya ang aagaw sa baril ng lalaki.
Nagkataon na si Asaron ang pinakamalapit kaya siya mismo ang walang pag-aalinlangan na lumapit sa suspek habang nakikipag-usap ang huli sa ibang pulis, at hinablot niya ang baril. Naging matagumpay ang pag-agaw niya nang walang kahirap-hirap.
Ayon pa kay Asaron, trabaho niya ito kaya ginawa niya ang nararapat para maagaw ang baril at hindi na makapamerwisyo pa ang kumag na suspek sa mga tao.
Tiwala rin daw siya sa kanyang mga kasamahang pulis na naka-back up sa kanya na hindi siya pababayaan kung nagkataon na nagpambuno sila ng suspek.
Higit sa lahat, tiwala siya sa Panginoon na hindi siya pababayaan sa kanyang gagawin.
Sarap pakinggan ang mga ganitong pulis na naniniwala sa Panginoon at may tiwala sa kanyang kasamahan.
Sila ay sumusunod at maaasahan nating tumutupad sa kanilang motto: “To serve and protect”.
Itataya nila ang kanilang buhay para sa pagtatanggol sa taumbayan.
Sana marami pang pulis ang katulad ni P/Cpl. Jenos Asaron na handang ipagtanggol ang mamamayan sa posibleng manakit sa kanila.
Kailangan din silang suklian ng gobyerno sa pagbibigay sa kanila ng tamang benepisyo at pag-angat ng kanilang ranggo.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.
301 