P1.12-T NG DOTr SWAK DIN SA PS-DBM

BAHA, apaw at siksik-liglig kung ilarawan ng isang militanteng kongresista ang salaping pumasok sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) matapos mapag-alamang maging ang Department of Transportation (DOTr) ay nakapaglagak ng hindi bababa sa isang trilyong piso mula sa operating budget ng nasabing kagawaran.

Ayon kay Deputy Minority leader Rep. Carlos Zarate, tumataginting na P1.127 trilyong pondo ng DOT ang aniya’y “iginarahe” sa nasabing tanggapang tinagurian pa niyang mistulang mega-parking lot kung saan umano ikinukubli ang mga pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Partikular na tinukoy ni Zarate ang aniya’y pondong dapat sana’y gamitin sa railway projects ng pamahalaan.

“The PS-DBM in effect is handling P350 billion in the Metro Manila Subway project and P777 billion in the North-South Commuter Railway project. All in all it is a whopping P1.127 trillion worth of railway projects,” ani Zarate.

“Daig pa ba ng PS-DBM ang DOTr sa usapin ng railways at ipinasa sa kanila ito ng ahensya? DOTr has the expertise on railway technical issues but why did it have to use PS-DBM which is mainly mandated to procure commonly used supplies and equipment for other government agencies?,” dagdag pa ng mambabatas.

Panawagan ng kongresista, busisiin ang pondo ng DOTr at alamin ang dahilan sa likod ng paglilipat ng pondo ng nasabing kagawaran sa PS-DBM. Pangamba pa ni Zarate, nakakaamoy siya ng pangalawang yugto ng eskandalong kinasasangkutan ng Pharmally.

“We should get to the bottom of this because this may just be another Pharmally issue and taxpayers money or even foreign loans are being siphoned off to enrich certain individuals,” ani Zarate.

Bukod dito, natuklasan ding mahaba pa ang talaan ng mga salaping pumasok sa PS-DBM ang hindi pa liquidated ng nasabing tanggapang dating pinamumunuan ng nagbitiw na si Undersecretary Christopher Lloyd Lao. Sa testimonya ni acting DBM Secretary Rose Canda, si Lao umano ang pumirma sa mga procurement deal para sa mga overpriced at substandard medical supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation (PPC).

Sa pagtatala ng Commission on Audit (COA), lumalabas na nasa P19,576,219,559.76 ang hindi pa nali-liquidate ng DOTr. Sa nasabing halaga, P165.5 milyon ay inilipat sa PS-DBM para sa naman sa proyektong MRT3. (BERNARD TAGUINOD)

173

Related posts

Leave a Comment