NANGANGANIB mahinto ang pagpapadala ng overseas Filipino workers sa Saudi Arabia dahil sa ulat ng panibagong insidente ng pagmamaltrato, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nakarating na sa kanila ang ulat ng pagmamaltrato ng isang retiradong Saudi general sa ilan niyang Filipino domestic helpers.
Hinihintay na rin nito ang rekomendasyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para sa susunod na hakbang.
“Bilang safeguard sa ating mga OFWs, pinag-aaralan ko na huwag muna tayong mag-deploy hangga’t hindi sila nagpapakita, lalong-lalo na ang pamahalaan ng KSA, na handa nilang proteksiyunan ang mga OFWs,” ayon kay Secretary Bello.
Patuloy umano ang pakikipagnegosasyon ng pamahalaan ng Pilipinas sa naturang heneral, na sinasabing maimpluwensya sa Saudi, upang mailipat ang kustodiya ng dalawa niyang Pinoy DH.
“Kaya lang matigas ang ulo nitong lintik na heneral na ito ayaw pakawalan,” patungkol ni Bello sa heneral na nakilalang si Ayed Thawah Al Jealid.
Sa inisyal na mga ulat, nasa 16 OFWs ang nagtatrabaho kay Al Jealid. Nagrereklamo sila ng pisikal na pang-aabuso at hindi pagbabayad ng kanilang suweldo mula pa noong 2019.
Noong nakaraang Agosto, isinuko ng dating heneral ang limang OFWs sa Philippine Overseas Labor Office na napabalik sa bansa nitong Setyembre. (RENE CRISOSTOMO)
174 