Sa pagreretiro ni PRRD sa pulitika HAMON IPINASA KAY GO

TINANGGAP ni Sen. Christopher ‘Bong’ Go ang hamon sa 2022 elections kasunod na rin ng pahayag ni Pang. Rodrigo Duterte nitong Sabado na plano na niyang magretiro sa pulitika at hindi na siya tatakbo sa vice presidential race.

“Kung papalarin ako at bibigyan ng pagkakataon ng mga kapwa ko Pilipino, at sa pagpatnubay ng ating Panginoon, I will be a working Vice President na gagawin ang lahat ng aking makakaya para makapagsilbi sa inyo. Hindi ako magiging spare tire o reserba lamang. Asahan ninyo na ako ay totoong magtatrabaho — hindi lang sa salita, kundi sa gawa,” ayon kay Go, matapos na maghain ng kanyang kandidatura.

Si Go ay sinamahan ni Pang. Duterte nang maghain ng Certificate of Candidacy sa Sofitel Hotel sa Pasay City nitong Sabado.

Ani Go, “napagdesisyunan kong tumakbo bilang Bise Presidente sa darating na halalan upang maipagpatuloy ang mga magagandang programa at tunay na pagbabagong naumpisahan ni Pangulong Duterte — at sisikapin nating dagdagan pa ang mga ito.”

Matatandaang ang matagumpay na presidential campaign ni Pang. Duterte noong 2016 ay nakaangkla sa kanyang pangako na pupuksain ang ilegal na droga, kriminalidad at korapsiyon sa bansa.

“Ang taumbayan na ang humusga kung mas ligtas ba ngayon ang mga anak nila at walang pangamba dahil sa mga kriminal at adik,” ani Go.
Base sa latest figures mula sa Philippine Drug Enforcement Agency, kabuuang P64.09 bilyon ng illegal drugs at mga equipment ang nakumpiska ng mga awtoridad mula Hulyo 1, 2016 hanggang Agosto 31, 2021. Gayundin, nabuwag nila ang 893 illegal drug dens at clandestine laboratories sa nasabing panahon, habang 22,858 barangays naman mula sa kabuuang 42,045 barangay sa bansa ang naideklarang drug-free.

“Hindi dapat masayang ang mga nasimulang ito kung kaya’t sa susunod na anim na taon ay sisikapin nating lalong maproteksyunan ang buhay at kinabukasan ng ating mga anak,” dagdag pa ni Go.

Matatandaang bago nanalasa ang COVID-19 pandemic sa buong mundo ay maganda na sana ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas.

Tiniyak naman ni Go na sisikapin nilang maibalik sa normal ang pamumuhay ng mamamayan at maiahon sila sa kahirapan.

“Upang makamtan ang layuning ito, palalaguin natin ang mga oportunidad pangkabuhayan sa bawat sulok ng bansa. Sosolusyunan natin ang hirap at gutom dahil importante na maalagaan ang tiyan ng bawat Pilipino,” ayon pa kay Go, na ikinukonsiderang ama ng ‘Malasakit Centers program’ na naging institusyon dahil sa Republic Act No. 11463 o The Malasakit Centers Act of 2019 na kanyang inakda, sa unang taon niya sa Senado.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 141 Malasakit Centers na nag-o-operate sa bansa at tumutulong upang maging kumbinyente para sa mahihirap ang pag-access sa medical care. (CHRISTIAN DALE)

291

Related posts

Leave a Comment