PINALAGAN sa mababang kapulungan ng Kongreso ang big time oil price increase na planong ipatupad ng oil companies sa bansa sa susunod na linggo.
Sa ulat, halos P2 ang itataas sa presyo ng mga produktong petrolyo na inaasahang iiral sa darating na Martes.
Kasabay nito, kinalampag ni outgoing Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate si Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi na asikasuhin ang problemang ito na lalong magpapahirap aniya sa mamamayan.
“Mas maganda sana kung ito ang itinutulak ni Department of Energy Sec. Alfonso Cusi para matulungan ang mamamayan at hindi palaging pulitika ang inaatupag,” ayon sa mambabatas.
Si Cusi ang namumuno sa isang paksyon sa PDP-Laban at masyado umano itong abala sa pulitika kaya napapabayaan ang trabaho sa kanyang departamento.
Sa Martes ay inaasahang muling magpapatupad ng dagdag presyo ang mga kumpanya ng langis at maging sa liquefied petroleum gas (LPG).
“Based on oil firms’ calculation, gasoline prices will increase by P1.45 to P1.55 per liter while diesel prices will climb by P1.95 to P2.05 per liter,” ayon sa militanteng mambabatas.
Masakit aniya ito sa mga ordinaryong tao dahil sa kanila ipapasa ang dagdag na gastusin ng mga apektadong negosyante.
Kasabay nito, hinamon ng mambabatas si Cusi na suportahan ang kanilang panukala na mismong ang gobyerno na ang bumili ng langis upang hindi na ito pagkakitaan pa ng mga dambuhalang kumpanya lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Studies by independent economic research institution IBON on the prices of Dubai crude at US$55.4 per barrel, with exploration costs at US$3-4 per barrel, production costs at US$7-8 per barrel, and royalties at US$8 per barrel, show that a staggering US$35-37 per barrel (63-67%) is taken home as super profits by the transnational oil corporations,” ani Zarate.
Ang 67% na matitipid umano kapag gobyerno na ang bumili ng langis na kailangang ng bansa ay malaking kabawasan sa presyo nito sa lokal na merkado. (BERNARD TAGUINOD)
