TAPOS nang isalang sa awtopsiya ang labi ng virtual artist na si Bree Jonson habang patuloy pa rin ang iba pang imbestigasyon ukol sa kanyang pagkamatay, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Gayunman, hindi pa binanggit ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang resulta habang nagsasagawa pa ng ‘psychological autopsy’.
Ayon sa NBI, pipilitin na buuin ang pangyayari bago ang pagkamatay sa pamamagitan ng panayam sa mga miyembro ng pamilya ng nasawi, mga kaibigan at iba pa na maaaring makapagbigay ng mahahalagang impormasyon sa biktima, sa kanyang ugali at mga kaganapan.
“Sa ngayon, ginagawa ng NBI, mag-conduct ng psychological autopsy. Pati forensic and histopathological ay ongoing,” ayon kay Guevarra.
Nakuha na ng NBI ang pahayag ng ilang mga saksi na nakausap at nakahalubilo nina Jonson at Julian Ongpin bago matagpuan ang bangkay ng una sa inupahang kuwarto sa La Union.
“Inimbitahan natin si Mr. Julian Ongpin na pumunta dito sa NBI para maibigay ang kanyang pahayag at ito rin ang kanyang pagkakataon para mailahad ang kanyang kwento sa mga nangyari sa La Union,” ayon sa pahayag ni NBI director Eric Distor. (RENE CRISOSTOMO)
