PNP-PRO5 full alert BICOL UNIVERSITY, PINASABUGAN

NANANATILING naka-full alert ang puwersa ng PNP-Police Regional Office 5 matapos yanigin ng dalawang magkasunod na pagsabog ang Bicol University sa Lungsod ng Legazpi noong Linggo ng hapon.

Ayon sa inisyal na ulat, bandang alas-6:30 ng gabi nang mangyari ang dalawang magkasunod na pagsabog sa loob ng unibersidad na ikinagulantang ng karatig na mga establisyemento at police checkpoint.

Ang Bicol University ay hindi kalayuan sa Camp Simeon Ola, punong himpilan ng PNP-PRO5 sa lungsod ng Legazpi.

Ayon kay PNP Bicol chief, P/BGen. Jonnel C. Estomo, Regional Director, nagsasagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa nangyaring pagsabog kasabay ng pagpapakilos sa Intelligence Unit upang tukuyin ang mga responsable sa insidente.

Agad nagresponde ang mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 5 at Criminal Investigation Detection Group upang alamin ang nangyaring pagsabog.

Inalerto rin ng PNP Bicol ang mga bumubuo ng Explosive Ordnance Disposal Team at Legazpi City Police Station upang matiyak ang seguridad sa lugar.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung anong klase ng pampasabog ang itinanim sa lugar at kung paano ito naipasok sa unibersidad.

Bunsod ng insidente, hinigpitan ng mga awtoridad ang pagbabantay sa naturang lugar lalo pa at maraming sasakyan ang dumaraan malapit dito. (JESSE KABEL)

381

Related posts

Leave a Comment