UMANI ng papuri mula kay Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang dalawang anti-narcotics operation sa Maynila kung saan nasabat ang kabuuang P5.7 milyong halaga ng hinihinalang shabu.
Sa impormasyon mula sa Manila Police District, aabot sa 835 gramo ng ilegal na droga ang nakumpiska sa buy-bust operations sa San Miguel, Manila noong Lunes, Oktubre 4, at saTondo noong Martes, Oktyubre 5.
Iprinisenta ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Leo
Francisco kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong Lunes ng hapon ang arestadong mga suspek na sina Nasfira Abdulla; Jonathan Balingit, 24; Esmelita Tumbagahan, 61; Renalyn Silverio, 40; Aldwin Castillo, 43; at Anna Pitong.
Nasabat sa nasabing mga suspek sa Tondo ang 100 gramo ng hinihinalang shabu na P680,000 ang halaga.
Habang sa buy-bust operation na ikinasa sa #153 Marayag Street, Barangay 648 sa San Miguel, Manila naaresto ang 67-anyos na si Nasfira Nassir Abdulla at nakumpiskahan ng 16 sachet ng umano’y shabu na may timbang na 735 gramo at tinatayang P5 milyon ang halaga.
Ang mga suspek ay pawang sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL)
206 