PATAY ang isang vendor matapos barilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek sa kanyang stall sa loob ng palengke sa Malabon City nitong Huwebes ng madaling araw.
Agad binawian ng buhay sanhi ng tama ng bala sa ulo ang biktimang si Michael De Ocampo, 48, residente ng S. Pascual St., Brgy. San Agustin.
Ayon sa report nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Diego Ngippol kay Malabon Police chief, Col. Albert Barot, dakong alas-3:09 ng madaling araw, abala ang biktima sa paghahanda ng kanyang mga panindang manok sa Mike and Tin Stall sa Fish and Meat Section sa loob ng Malabon City Public Market sa Brgy. Tañong.
Bigla umanong dumating ang mga suspek at isa sa mga ito ang malapitang pinagbabaril sa ulo ang biktima at tumakas sa hindi natukoy na direksyon.
Ipinag-utos na ni Col. Barot sa mga tauhan ng Sub-Station 6 sa pamumuno ni P/Lt. Rommel Adrias, ang follow-up operation para sa posibleng pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga suspek. (FRANCIS SORIANO)
209 