TILA masyadong abala ang buong Pilipinas sa napipintong salpukan sa pulitika kaugnay ng papalapit na Eleksyon 2022. Hindi alintana ng gobyerno ang nakaambang panganib sa South China Sea kung saan posibleng pumutok ang isang digmaan sa pagitan ng mga pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo.
Katunayan, dumating na sa gawing kaliwa ng bansa ang mga pinakamalaki at pinakamalakas na barkong pandigma mula sa United Kingdom na tila nagpapahiwatig ng isang hamon ng sagupaan kontra Tsina.
Giit kasi ng Tsina, kanila ang buong China Sea at maging ang karagatang pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas – bagay na ibinasura ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ani ng UNCLOS, ang South China Sea ay isang navigational highway na bukas para sa kalakalan ng mga bansa sa Pasipiko. Wala rin umanong basehang angkinin ng Tsina ang West Philippine Sea at ang mga isla sa teritoryong pasok sa EEZ ng Pilipinas.
Sagot ng Tsina, deadma lang.
Kung tutuusin, kung may bansang higit na dapat mabahala sa napipintong digmaan sa South China Sea, ‘yun ay ang Pilipinas dahil ito ang pinakamalapit na bansa sa karagatan kung saan inaasahang magaganap ang pinangangambahang salpukan ng mga siga.
Hindi biro ang banta ng isang digmaan, lalo pa’t nakabaon tayo ngayon sa problema –lugmok na ekonomiya, pandemya, kawalan ng hanapbuhay, katiwalian at marami pang iba.
Walang dudang winawalanghiya tayo ng Tsina. Ating karagatan sinasakop nila. Mga mangingisdang Pilipino itinataboy palayo sa ating teritoryo. Yamang dagat natin, kinakamkam din. Mga sindikatong Tsino, sa West Philippine Sea rin idinadaan ang mga drogang epektos na laman ng kanilang kargamento.
Saan ba dapat lumagay ang mga Pilipino?
Sa totoo lang, sa digmaang napipinto ay tayo ang talo. Ano ba mapapala natin sa giyera ng Tsina kontra Estados Unidos at UK?
Kung sadyang hindi maiiwasan ang giyera, hindi dapat dito. Huwag sa ating teritoryo.
Ano na nga ba ang hakbang ng gobyerno sa namumuong tensyon sa South China Sea? Meron ba? Parang wala naman. Dangan naman kasi masyadong abala ang Palasyo sa dalawang bagay – pagtatakip ng mga tiwali at sa pulitikang pintakasi.
185 