PINAG-AARALAN ng Commission on Higher Education (CHEd) ang posibilidad na payagan ang limited face-to-face classes sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19 at may mataas na vaccination rates.
“In addition to limited face-to-face by degree program, pinag-aaralan na namin kung puwedeng payagan ang mga eskuwelahan na mag-limited face to face classes in all degree programs in areas that have very low COVID prevalence and very high vaccination rate,” ayon kay CHEd Chairman Prospero De Vera III sa virtual press briefing ni Presidential spokesperson Harry Roque.
Sa kasalukuyan, ang face-to-face classes sa tertiary level ay limitado lamang sa medisina at allied health sciences.
Kamakailan, may limang degree programs gaya ng Engineering and Technology programs, Hospitality/Hotel and Restaurant Management, Tourism/Travel Management, Marine Engineering, at Marine ang nadagdag sa listahan.
“Kung papayag ang local government, kung mataas na vaccination rate sa area at mababa ang classification nila as far as COVID is concerned, baka papayagan na natin pagdating sa mga susunod na buwan ang mga eskwelahan na magli-limited face-to-face classes in all their degree programs as long as they abide by the guidelines and they are inspected,” ang pahayag ni De Vera.
Ani De Vera, base sa CHEd data, may 73% ng personnel sa 1,488 kolehiyo at unibersidad sa buong bansa ang nabakunahan laban sa COVID-19. (CHRISTIAN DALE)
