Pulis sablay sa pagpapaputok sa aktor SORRY SA NAHAGIP NG LIGAW NA BALA

baril

PAUMANHIN ang tanging naging tugon ng pamunuan ng Philippine National Police kaugnay ng isang ligaw na balang tumama sa isang delivery rider sa gitna ng habulan sa pagitan ng mga operatiba ng Eastern Police District (EPD) at ng aktor na si Jake Cuenca.

Pagtitiyak naman ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, magpapatupad ng mga pagtatama at pagdidisiplina ang PNP sa kanilang mga tauhang nagpaputok habang hinahabol ang sasakyang minamaneho umano ng aktor noong Linggo ng gabi sa Pasig City.

Giit ng Mandaluyong Police, tinakbuhan umano ni Cuenca ang mga pulis matapos nitong mabangga ang sasakyang lulan ang mga pulis sa bahagi ng Mandaluyong City.

Ani Eleazar, humihingi sila ng paumanhin sa delivery rider na tinamaan ng ligaw na bala matapos paputukan ng mga pulis ang gulong ng sasakyan ni Cuenca.

Sa kabila ng paumanhin, wala naman aniya silang planong pigilan ang sugatang delivery rider sakaling magpasya itong magsampa ng kaso laban sa pulis na sumablay sa paggamit ng baril.

Kaugnay nito, inatasan na ng PNP chief si EPD Director P/BGen. Matthew Bacay na isailalim sa restrictive custody ang mga sangkot na pulis. Walang pahayag ang hepe ng pambansang pulisya hinggil sa usapin ng “poor marksmanship” ng mga tauhan nito.

Tiniyak naman ni Eleazar na pananagutin ang aktor sa paglapastangan at pambabastos sa mga alagad ng batas.

Papaalis na sana ang mga pulis noong Linggo ng gabi matapos ang isang anti-drug operation sa Barangay Barangka (Mandaluyong City) nang biglang bumangga ang sasakyan ni Cuenca sa police mobile car.

Sa halip na bumaba ng sasakyan, kumaripas umano papalayo si Cuenca dahilan para habulin siya ng mga pulis na umabot pa hanggang sa Shaw Boulevard kung saan siya pinaputukan at kalaunan ay dinakip. (JESSE KABEL)

319

Related posts

Leave a Comment