NAGULANTANG ang pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang tumambad sa kanila ang bandilang binaliktad na tila pahiwatig na ang bansa ay nasa ilalim ng digmaan.
Mabilis namang nadakip ng Aviation Security Group ang isang lalaking ayon sa Airport Police, ay siyang responsable sa pagbaliktad ng bandila sa open parking area ng NAIA Terminal 3. Kinilala ang suspek na si Jay-Ar Beril, 27-anyos, mula sa bayan ng Jose Dalman sa lalawigan ng Zamboanga del Norte.
Ayon sa awtoridad, nahagip sa close-circuit television (CCTV) camera ang suspek habang ibinababa ang bandila at saka binaliktad bago ibinalik sa pagkakawagayway dakong alas-9:00 ng umaga kahapon. Sa kuha ng CCTV, nasa itaas na bahagi ng bandila ang kulay pula – na hudyat na ang bansa ay nasa giyera.
Gayunpaman, naaresto matapos ang habulan mula sa paliparan hanggang sa Skyway kung saan ito inabutan ng mga operatiba.
Patung-patong na asunto, kabilang ang paglabag sa Republic Act 8491 (Code of the National Flag), ang nakatakdang isampa laban sa suspek na isasailalim sa pagsusuri sa hangaring mabatid kung may karamdaman ito sa pag-iisip. (DAVE MEDINA)
335 