(CHRISTIAN DALE)
PORMAL nang sinimulan kahapon (Oktubre 15) ang pagbabakuna sa mga menor de edad na 15 hanggang 17-anyos.
Target naman ang initial rollout nito sa mga lalawigan bago matapos ang buwan.
Sinabi ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 chief implementer and vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., nagsagawa ang Department of Health ng simulation matapos inspeksyunin ang 8 initial Metro Manila hospitals na pinili para sa pilot vaccination.
“We are ready. We’ve given 1,700 Pfizer (doses) to each vaccination site and in fact, there are many hospitals and local government units who are asking also for the pilot,” ang pahayag ni Galvez nang dumating ang 862,290 doses ng government-procured Pfizer-BioNTech sa Ninoy Aquino International Airport.
Ang mga piling ospital para sa pilot pediatric inoculation ay ang Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Fe Del
Mundo Medical Center, Philippine General Hospital, St. Luke’s Medical Center (Bonifacio Global City), at Makati Medical Center.
Nakiusap naman ang Iloilo, Cebu at ilang lugar sa Calabarzon at Central Luzon sa task force na maisama sila sa programa.
Nais ng national government na ma-assess at makumpleto muna ang pagbabakuna sa 8 sites na naunang pinili.
“[On] October 22, we will have a run down to the different regions also and more or less November 5, we will have the full vaccination of children ranging from 15 to 17, basically those people who have comorbidities,” ayon sa kalihim.
Matapos ang first phase para sa mga may edad 15 hanggang 17, ang pagbabakuna ay palalawigin sa mga menor de edad na 12 hanggang 14.
Tiniyak naman ni Galvez na mayroong sapat na suplay ng bakuna lalo pa’t majority ng fresh Pfizer delivery ay inilaan sa Calabarzon, Central Luzon, at sa pediatric vaccination sa National Capital Region.
Idinagdag pa nito na ang Maynila ay nag-order ng mahigit sa 40 million doses ng Pfizer-BioNTech vaccine na ibibyahe ‘in tranches’ o 11 milyon kada buwan.
“So starting October, ang procured natin (we’ve already procured) 11 million and we are very thankful to the US government and COVAX Facility and the World Health Organization for giving another 10 million for the Philippines,” ani Galvez.
Kasama naman ni Galvez sa pagsalubong at pagtanggap sa 800,000 Pfizer doses sa NAIA Terminal 3 si United States Embassy Chargé d’Affaires Heather Variava, na nagbahagi ng tagumpay ng teenage COVID-19 vaccination sa Estados Unidos.
“Pfizer vaccine is one of the safest and most effective of the Covid vaccines and so we’re delighted to see more coming to the Philippines,” aniya.
Samantala, pagsapit ng Nobyembre 5, magsisimula na rin ang vaccination sa mga kabataan sa mga rehiyon na higit 50% na ng mga senior citizen ang nabakunahan.
Kabilang dito ang Cordillera Autonomous Region (CAR), Regions 1, 2, 3, 4A, 8, at 10, at Caraga. Para sa NCR, maaaring magdagdag ng isa pang ospital.
Gagamitin ng Department of Health ang COVID-19 vaccine ng Moderna at Pfizer na siya pa lamang nabibigyan ng Emergency Use Authorization mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Kaugnay nito, sisimulan din sa Navotas ang pagbabakuna sa mga batang 12-17-anyos na may comorbidities sa Oktubre 22.
Samantala, hiniling ni Navotas City Mayor Toby Tiangco sa mga residente at manggagawa na hindi pa nababakunahan na samantalahin na ang pagkakataon habang maluwag sa vaccination sites at huwag nang sumabay sa dagsa ng kabataan.
Ayon pa sa punong lungsod, kapag nabakunahan ang mas maraming mamamayan, mas liliit na ang tsansa ng hawaan at pagkalat pa ng virus, at gawin dapat ang lahat ng makakaya para maproteksyunan ang sarili at mga mahal sa buhay.
Samantala, sinabi rin ni Tiangco na ayon sa Covidactnow, nasa moderate risk na ang lahat ng mga lungsod sa Metro Manila matapos bumaba sa 0.60 ang reproduction number ng NCR (1,847 average daily cases) noong Oktubre 7-13, 2021, na mas mababa ng 30% kumpara sa nakaraang linggo.
“Navotas po ang second lowest sa Average Daily Attack Rate (7.39%) nitong linggo. Bunga po ito ng disiplina at pakikiisa ng bawat Navoteño. Ipagpatuloy lang po natin ang pag-iingat para unti-unti nang magbalik sa normal ang ating buhay at kabuhayan,” paalala ni Tiangco. (May dagdag na ulat sina RENE CRISOSTOMO/ALAIN AJERO)
